Abante Tonite Interactive

‘Hospital pass’ pang-drug lord

0 205

Umabot sa walong high-profile inmate, karamihan dito ay mga convicted drug lord ang nag-avail diumano ng ‘hospital pass’ for sale sa ospital ng New Bilibid Prison (NBP).

Ito ang ibinunyag kahapon ni Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go kung saan ginagamit diumano ang Medical Ward 3 ng ospital para maipagpatuloy ang kanilang transaksiyon sa kalalakalan ng iligal na droga.

“Most of these illegal drug transactions take place in Medical Ward 3, Medical Annex Buil­ding 14 and it involves several personalities. About 8 of them. illegal drug trade continues in NBP with the hospital as the new venue for tran­sactions,” pahayag ni Go sa panayam kahapon ng mga reporter.

Hindi naman pina­ngalanan ni Go ang walong mga high-profile inmate subalit karamihan aniya sa kanila ay mga drug lord, lokal at dayuhan.

“Yes, most of them (drug lords),” sabi ng senador.

“Hindi ko po madetalye sa inyo kung ano transakyon ginagawa nila at kontak nila sa labas. Subalit ‘yung kuwarto ang ginagamit nila sa transaksyon by calling outside or so antayin na lang natin,” dagdag pa nito.

Ayon pa kay Go, kinukutsaba umano ng mga high-profile inmate na ito ang mga doktor sa NBP Hospital para ma-confine sila kahit na wala naman talagang malalang sakit ang mga ito.

“Mga inmates ito at kakutsaba nila ang hospital (doctors). Wala naman silang sakit tapos iko-confine sila kaya pinapaimbestigahan na natin,” sabi pa ni Go.

“Naging dahilan lang ang pagsakit-sakitan nila para malagay sila sa maluwag, from maximum sila dadalhin sila sa ospital luluwag ang kanilang pagkakakulong, magkakaroon ng access sa telepono,” pagpapatuloy pa nito.

Pero sa ngayon aniya’y nakabalik na sa kani-kanilang mga kulungan ang mga high-profile inmate matapos pumutok ang iba-ibang mga ano­malya sa Bureau of Corrections (BuCor).

May kinukumbisi umano siyang testigo para dumalo sa susunod na pagdinig ng Senado sa Huwebes.

“Kausapin ko muna ang witness kung willing siya humarap,” ani Go.
Mula P200,000 hanggang P2 milyon ang ibininabayad umano ng mga high-profile inmate para lang ma-confine sa NBP Hospital kahit wala naman talaga silang sakit.

Ito ang bagong raket na ibinunyag kahapon ni Senador Panfilo Lacson kaya’t papatawag nila sa susunod ng pagdinig ng Senado ang mga doktor na nagmamando sa nasabing ospital.

“Yes pero medyo hindi kumpleto. May ibang personalities na hindi kasama. Anyway it is just a preliminary list of those preventively suspended. I’m sure meron pang ibang masasama at isasama,” sabi ng senador.

Pinaimbestigahan na rin ng Department of Justice (DOJ) sa Natio­nal Bureau of Investigation (NBI) ang nasabing isyu. (Dindo Mati­ning/Lorraine Gamo)