Abante Tonite Interactive

Hotshots may tsansa pa sa playoffs

139

Napakaliit ng tsansa pero kahit paano ay napay­payan ang pag-asa ng Star na humabol sa PBA Go­vernors’ Cup playoffs pagkatapos masikwat ang mailap na panalo laban sa Meralco noong Linggo, 104-103, sa Mall of Asia Arena.

Nakaiwas sa maagang bakasyon ang Hotshots, pero hindi iyon ang mahalaga kay coach Jason Webb.

“I don’t know how much chances we have, but whatever chances we have is not the important thing,” aniya. “The most important thing right now is that the guys continue to believe in each other.”

Sa one-handed buzzer-beater ni Joel Wright ay nakawala ang Star mula sa five-game losing skid tu­ngo sa 2-7 slate. Kailangan nilang maligtasan din ang dalawang huling laro sa eliminations kontra TNT KaTropa (Setyembre 11) at Rain or Shine (Setyembre 16) at umasa na sasapat ang four Ws para makahirit ng playoff sa isang tiket sa eight-team quarterfinals.

Para kay Webb, mas maganda ang ga-buhok na tsansa kaysa sa wala.

“All I told the guys is, we’ve been given so many opportunities and we’ve continued to fail, but today we had, maybe, .1 percent chance and that’s still better than nothing,” giit ng coach.

Alam din ni Webb na sa format ng conference, five wins ang kailangan para umusad. Pero kung sila ang magiging unang four-win team na aabante, kukunin nila: “There’s a first for everything.”

Tulad ni Wright, bago ang laro kontra Bolts ay 0-4 sapul nang palitan si Marqus Blakely. Tumapos siya ng 27 points, 14 rebounds laban sa Meralco.

Hindi lang si Wright ang umako ng credit, dahil rumesponde rin ang 12  na tinapik ni Webb. Nag­laro ang Star na wala sina James Yap (hip contusion) at Ian Sangalang (left ankle sprain).