Abante Tonite Interactive

House to house sa measles vaccine ipapatupad ng DOH

202

Magpapatupad umano ng house to house anti-measles vaccine ang Department of Health (DOH) kasunod ng pagkumpirma ni Health Secretary Francisco Duque na may measles outbreak ngayon sa bansa.

Sa ginanap na press conference sa tanggapan ng DOH, ang hakbang na susuyurin na ang mga bahay-bahay ay upang maabot ang 2.78 milyong target na mabakunahan ngayong 2019.

Ayon kay Duque, bagama’t wala silang na-monitor na bagong flu strain, inaasahan na umano ang outbreak dahil marami ang hindi protektado ng vaccine.

Nabatid na sa 2.8 mil­yon target, 1.4 milyon ang hindi protektado kaya ang resulta nito ay outbreak ng sakit.

Nalaman na bukod sa National Capital Region (NCR), mayroon na ring outbreak sa Luzon, Eas­tern at Central Visayas, Ilocos Norte, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Calabarzon at Bicol.

Muling hinikayat ni Duque ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak dahil hindi naman umano ito katulad ng Dengvaxia.

Sa sandaling kakitaan ng sintomas ng tigdas tulad ng lagnat, pag-ubo, pamumula ng mata, pagtatae, at rashes ay kaagad nang dalhin sa mga ospital o health facility ang pas­yente.