Abante Tonite Interactive

Housewives Compensation Act isinulong

483

Tila nalalapit na ang panahon na sasahod na rin ang mga Ina ng Tahanan na hindi makapagtrabaho sa labas at napipilitang manatili sa kanilang bahay upang alagaan ang kanilang mga pamilya.

Tiniyak ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na isusulong niyang maging batas ang ‘Housewives Compensation Act’ (HB 80) na inihain niya sa Kamara na layuning pasahurin din ang mga nanay na napipilitang mag-alaga lamang ng kanilang mga anak at asawa kaya hindi makapagtrabaho sa labas.

Ayon sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ang katumbas na perang halaga ng oras at gawain ng na­tuang mga nanay ay umaabot sa P3.3 trilyon o 20% ng kabuuang ‘gross domestic product’ (GDP) ng bansa. Magsisilbing panlipunang reporma ang HB 80 ni Salceda sa bansa kung saan ang mga karaniwang nanay ay itinuturing lamang na ‘taong bahay’ at ‘walang silbi’ sa kabila ng napakahalagang papel na kanilang ginagampanan sa lipunan.

Babaguhin nito ang umiiral na prinsipyo sa larangan ng Economics “na ang gawaing hindi binabayaran ay hindi ‘productive labor.’” “Kasama rito ang gawain ng mga nanay na mag-aruga ng kanilang mga anak, ihatid sila sa paaralan at tulungan sa kanilang mga ‘homework,’ pagkasiyahin ang kapos nilang pana­nalapi, mamalenke, at iba pa,” puna ni Salceda.

Sa ulat ng PIDS, mga 12 mil­yon ang walang trabaho noong Enero 2018, at 11.2 milyon nito ay kababaihan. Hindi sila itinuturing na bahagi ng aktibong manggagawa dahil pangtahanan lang ang ginagampanan nilang tungkulin at walang bayad. Sa bilang nila mga 4.168 milyon ang may mga anak na mabababa pa sa 12-taong gulang, at mga 1.790 milyon sa kanila ay kumpirmadong mahihirap.