Abante Tonite Interactive

Housing delayed is hope denied

273

Sa katatapos na 14th Meeting on the Inter-Agency Task Force on the Unified Implementation and Monitoring of Rehabilitation and Recovery Projects in the Yolanda Corridor (IATF-Yolanda) na ginanap sa Malacañang ay tiniyak ng National Hou­sing Authority (NHA) na sa taong 2020 ay si­yento porsyento (100%) nang tapos ang lahat ng housing units sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Yolanda.

Sa pinakahu­ling tala ng NHA (as of July 31, 2019), sa kabuuang bilang na 205,128 housing units na itinatayo ay nasa 120,615 units o 59% na ang tapos at nasa 57,064 units o katumbas ng 47% ng mga ito ay nai-turnover na sa mga benepisyaryo.

Bilang chairman ng IATF-Yolanda, a­ting hinimok ang mga kaukulang ahensya na agad ipamahagi ang mga pabahay na tapos na sa mga pamilyang sinalanta ng bagyong Yolanda. Sampu, bente o 30 mga bahay man na puwedeng paglipatan ng mga beneficiaries ay ibigay na natin para mayroon na silang masilungan na bagong bahay na disaster resilient. Hindi kasi biro ang banta ng unos at sungit ng kalikasan.

Sa mga proyektong ating napuntahan, kumpiyansa ako na ligtas ang mga ito. Atin ding hinimok ang mga kaukulang ahensya na siguruhing kumpleto ang mga pasilidad sa mga bagong komunidad sa bawat proyektong pabahay para sa mga biktima ng Yolanda gaya ng pailaw, malinis na tubig at mga pagkakakitaan, gayundin ng mga pasilidad kagaya ng health center at multi-purpose hall para magamit ng mga titira dito.

Bilang pagtalima sa atas ng ating Pangulo, paulit-ulit ang a­ting pagpapaalala na dapat mapakinaba­ngan na agad ang mga proyektong ito ng benepisyaryo para maiparam­dam natin sa kanila ang tunay na malasakit ng pamahalaan, lalong-lalo na sa gitna ng pagsusungit ng panahon. Dahil kapag nakalipat na sila sa kanilang bagong bahay ay makakapamuhay na sila nang tahimik at malayo sa peligro.

Kaya nga hinihika­yat ko ang lahat ng mga alkalde sa mga bayang tinamaan ng bagyong Yolanda na muling buhayin ang kanilang local inter-agency committees (LIAC) upang maipamahagi nang maayos ang resettlement housing projects sa kani-kanilang nasasakupang lugar dahil sa ganitong paraan ay makasisiguro po tayo na ang makatatanggap ng pabahay ay mga lehitimong naapektuhan ng bagyo at nawalan ng tirahan.

Kaugnay ng isyung ito, nakatakda ang Kalihim Natin na makipagpulong sa lahat ng alkade ng Yolanda-affected LGU sa Western Visayas sa ika-19 ng buwang ito upang himukin ang mga ito na mu­ling buuin ang kani-kanilang LIAC at makikipagtalastasan sa kanila kaugnay sa mga prog­ramang nakalaan para sa mga naging biktima ng Yolanda sa kani-kanilang bayan.

Tandaan po natin na para sa mga biktima ng bagyong Yolanda, “housing delayed is hope denied.” Hindi lamang pabahay ang a­ting ipinapamahagi kundi pag-asa sa mas ligtas at kaaya-ayang buhay sa hinaharap.