Abante Tonite Interactive

Huawei, Xiaomi supplier pinagmulta sa ‘takeover’

246

Pinagmulta ng Philippine Competition Commission (PCC) ang Wingtech Technology Co. Ltd. ng China na gumagawa ng smartphones at ang Nexperia Holding B.V., isang Dutch na semiconductor company dahil sa nahuli ang pagtitimbre nito sa komisyon sa nangyaring pag-takeover ng negosyo sa Pilipinas.

Ang Wingtech ay gumagawa ng smartphones para sa Huawei at Xiaomi samantalang ang Nexperia naman ay gumagawa ng semiconductors na ginagamit sa mobile devices, kotse, at iba pang mga electronic product.

Sabi ng PCC, pinagmulta nito ang Wingtech at Nexperia ng P716,150 o ang katumbas ng ½ ng 1% ng 1% ng halaga ng transaksyon na nagkakaha­lagang P14.3 bilyon.

Ayon sa PCC, hindi na pumalag ang dalawang kompanya nang sinita dahil sa late notification at maaari nilang bayaran ang multa hanggang Oktubre 12 o 45 na araw matapos silang sinabihan na sila ay pagmumultahin.
Binili ng Wingtech ang Nexperia noong Oktubre 2018 ngunit nagsabi lamang ang mga ito noong Mayo 6, 2019, 194 na araw matapos silang magpirmahan ng kasunduan.

Ayon sa PCC, hindi naman mababawasan ang kompetisyon sa smartphone manufacturing market dahil wala namang mga planta ang Wingtech sa Pilipinas at ang Nexperia naman ay gumagawa ng semiconductor at hindi naman apektado ang kompetisyon dahil sa export naman ang patutunguhan ng mga produkto nito. (Eileen Mencias)