Abante Tonite Interactive

Hukom, piskal bigyan ng sariling marshal — Ping

0 190

Naghain si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ng isang panukala na magbibigay ng proteksiyon sa mga hukom, piskal, opisyal at maging sa kawani ng hudikatura.

Inihain ni Lacson ang Senate Bill 1209 bilang tugon sa panawagan ni Chief Justice Diosdado Peralta ng magbuo ng Philippine Judicial Marshal Service na maging law enforcement arm ng hudikatura, na parang Supreme Court of the United States Police at United States Marshal.

“This legislative measure seeks to create a Phili­ppine Judicial Marshal Service under the control and jurisdiction of the Supreme Court whose primary function is to protect, safeguard, watch over, provide security, and ensure the safety of justices, judges, court officials and personnel, and the ­various halls of justice, courthouses and other­ court buildings and properties all over the country,” paliwanag ni Lacson sa panukala.

Ayon sa senador, hindi bababa sa 31 ang napapatay na miyembro ng hudikatura sa nakalipas na dalawang dekada. Lima sa mga ito ay naganap sa Duterte administration.

Sa ilalim ng panukala, hindi lamang pagbibi­gay seguridad sa sektor ng hudikatura ang magi­ging responsibilidad ng judicial marshal kundi pati ang pagbabantay laban sa katiwalian na kasasangkutan ng mga hukom, court official at maging mga kawani ng mga hukuman at korte.

Pati mga atas ng korte at hukuman ay ang judicial marshal na rin ang magpapatupad.

Sabi ni Lacson, ang judicial marshal ay pamumunuan ng chief marshal na may ranggong katumbas ng associate justice ng Court of Appeals. Tutulungan ito ng tig-iisang deputy marshal para sa Luzon, Visayas at Mindanao na may mga katumbas ng ranggo ng Regional Trial Court judge.

Ang chief marshal at mga deputy marshal ay dapat na abogado at may ranggong full Colonel sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa Philippine National Police (PNP). Ang mga ito ay itatalaga sa pamamagitan ng en banc ng Korte Suprema at maglilingkod hanggang sa edad na 65.

Ang judicial marshal ay may pangunang P50 milyong pondo na kukunin sa National Treasury. (Dindo Matining)