Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hulihin ang mga lalabag sa GCQ -Olivarez

0 322

Inatasan kahapon ni Paranaque City Mayor Edwin Olivarez ang city police chief at 16 barangay chairman na mahigpit na ipatupad ang health protocol makaraang makapagtala ng 1,787 kaso ng COVID-19.

Nagbigay ng direktiba si Olivarez kay PCol. Robin King Sarmiento na kasuhan ang mga pabayang magulang ng mga batang mahuhuling pakalat-kalat sa lansangan na walang suot na face mask at sa oras ng curfew.

“You are hereby directed to ensure the strict enforcement and to exercise full vigilance in the implementation of the health standards on the use of face masks, strict physical distancing, crowding on public places and in all major streets,” ayon pa sa ibinabang memorandum ni Olivarez

Labis ang pagkadismaya ng alkalde nang iparating sa kanya ng city health office na umabot na sa 1,787 ang positibong kaso ng COVID makaraang makapagtala ng 742 (42.6 percent) sa loob ng isang linggo kung saan kasama sa mga nahawa ay walang malinaw na address o tirahan.

“Lalong dumami ang pasaway ngayong nasa GCQ tayo. They don’t fear of being infected with COVID-19 virus, kaya kailangan na talaga siguro ng kamay na bakal,” sabi ni Olivarez kay Sarmiento.

Sa kabila nang ipinairal na 3-araw na calibrated lockdown, nananatili ang Barangay BF sa may pinakamaraming kaso na naitala sa 295. Umabot sa 177 ang active case kung saan 11 ang nasawi, na pinakamataas sa hanay ng mga barangay.

Noong Miyerkules, pumangalawa ang Barangay Sun Valley sa bilang ng confirmed case na 152 at 92 aktibong kaso , gayong noong Hulyo 8 lang ay nasa 117 lang ang kaso at 73 ang aktibo.

Ikinabahala ni Olivarez ang 86 mga bagong kaso ng coronavirus disease noong Hulyo 13 at sa dalawang magkasunod na araw ay may nadagdag na 47 kaso noong Hulyo 14 at 43 kaso noong Hulyo 12.

Karamihan sa mga kaso ay galing sa San Antonio, San Dionisio, Sto. Nino, Tambo at San Isidro kung saan umabot sa 232 ang active case mula sa 5 barangay, ayon kay Dr. Darius Sebastian ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU).

Una nang inirekomenda ni Olivarez, incumbent chairmanng Metro Manila Council sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagpapalawig ng general community quarantine (GCQ) sa buong National Capital Region.

Ang suhestyon ng mga metro mayor ay inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa public address nito noong Miyerkules ng gabi.

Muling pinaalala ni Olivarez ang umiiral na ordinansa na nagpapataw ng multa sa mga residenteng mahuhuling lumalabag sa quarantine protocol . Multang P1,000 at 6 na oras na pagkakulong sa first offense; P2,000 at 9 na oras na kulong sa second offense at P3,000 at 9 na oras na kulong sa third offense.

Inutos din ng alkalde sa buong kapulisan na hulihin ang mga menor-de-edad sa oras ng curfew gayundin ang mga hindi nakasuot ng face mask ngayong pandemic.

Leave A Reply

Your email address will not be published.