Abante Tonite Interactive

Huling hirit sa kampanya, bilihan ng boto umaariba

280

Aileen Taliping

Ilang araw na lamang at magkakaalaman na kung sino ang mga kandidatong pipiliin ng mga botante sa Mayo a trese.

Kabado na ang ilang kandidato, lalo na yaong mga tagilid ang pag-asang manalo kaya naman ang mga politiko ay kanya-kanyang panliligaw na sa mga malalaking religious organization, pati na sa mga malalaking grupong may mga adbokasiya para makasiguro ng marami-raming boto.

Ang iba naman, idinadaan sa lantarang pamimili ng boto, at walang takot na may makasilip o makakita sa ginagawa ng mga ito.

Noong nakalipas na araw ay napabalita ang nahuling mga empleyado sa Cavite na namimili umano ng boto kaya kinasuhan ang mga ito.

Sana ganito rin ang gawin sa mga lokal na kandidato sa Maynila na lantaran ang pamimili ng boto at walang takot na gawin pa ito sa basketball court ng isang barangay.

Tig-limang daang piso na nakaipit sa polyetos ng kandidato ang ipinamigay sa mga nakapilang mga botante at kapag naibigay na ang pera ay lalagyan ng check ang kanilang dalang listahan.

Ang isa namang kandidato sa pagka-alkalde ay tig-P3,000 umano ang ibinibigay sa mga opisyal ng barangay para makasiguro ng boto.

Nasaan ang mga tauhan ng Commission on Elections na dapat magbantay sa mga kandidatong namimili ng boto? Mayroon ding task force kuno na nagbo­luntaryong manghuli ng mga bumibili ng boto pero tila yata natutulog ang mga ito sa pansitan.

Hanggang sa bisperas ng eleksiyon ay tiyak na aktibo ang vote buying at kapag sinabing “nagpatawag” si kagalang-galang na kandidato ay alam na kaagad ng mga botante ang ibig sabihin nito.

Malakas din ang loob ng ibang politiko dahil sa mismong bahay pa nila gagawin ang “patawag” at bago mamigay ng perang pambili ng boto ay kunwaring ipapaliwanag ang kanilang plataporma pero sa bandang huli ay iaabot ang polyetos o kaya sobre na may lamang konting pera.

Nakakalungkot isipin na sa maliit na pera, at kung tutuusin ay baryang barya lang sa mga politiko ay ipinagpapalit ng mga botante, hindi ko nilalahat, ang kanilang boto.

Hindi naiisip ng mga mahihirap na botante na ang halagang P500 tinanggap sa kandidato, ang katumbas ay tatlong taong paghihirap sa pangangasiwa nito kapag naupo sa puwesto dahil tiyak, susulitin ang ginastos sa panahon ng kampanya!