Abante Tonite Interactive

Humahagibis na trak

229

DREAM CATCHER

Good Morning Dream Catcher. Gusto ko po malaman ang kahulugan ng panaginip ko na nakasakay daw po kami ng anak kong 4 years old sa ibabaw ng isang makitid na trak. Habang umaandar daw po ang trak ay takot na takot ako at umiiyak na baka mahulog kaming mag-ina dahil maalog ang trak at dahil nasa ibabaw lang kami ng makitid na trak. Habang umaandar ang trak nahuhulog na daw ang mga laruan ng anak ko at kahit gusto kong kunin ay wala na akong magawa dahil mabilis ang andar ng trak.
Luzviminda ng Pampanga

Luzviminda,
Ang trak ay sumisimbolo sa paglalakbay tulad ng kahit anong transportasyon. Kadalasan itong itinuturing bilang isang positibong panaginip dahil ang trak ay indikasyon ng lakas at katatagan. Dahil malaki ang trak, indikasyon din ito na anumang hadlang sa iyong daan ay kaya nitong banggain.

Pero sinabi mong sa iyong panaginip ay takot na takot ka dahil hindi ikaw ang nagmamaneho ng trak at dahil wala kayo sa loob ng trak kundi nasa truck bed o sa likuran at ibabaw ng trak. Kung ipipinta natin ang larawan, kayong mag-ina ay nasa likuran ng trak at walang makapitan. Malinaw na habang sakay kayo ay nakakaramdam ka ng takot na anumang oras ay mahulog kayong mag-ina dahil open nga likuran ng trak.

Ang ganitong panaginip ay maikokonek sa nararamdaman mo sa aktuwal na tinatakbo ng iyong buhay. Sa panaginip mo, malinaw na wala kang kumpiyansa sa driver at gayundin sa katatagan ng sinasakyan mong trak. Kung ikokonek mo ito sa aktuwal mong buhay, hindi kaya wala kang kumpiyansa sa taong responsable sa buhay mo at ng iyong anak? Ikaw ang nakakaalam ng tunay mong sitwasyon. Namumuhay ba kayong mag-ina kasama ang iyong asawa at ama ng iyong anak? O isa kang single mother na solong bumubuhay sa iyong anak?
Kung kasama mo ang iyong asawa, tanungin mo ang sarili mo kung nagdududa ka na kaya niyang gampanan ang responsibilidad para sa inyong mag-ina. Kung ikaw naman ay single mother, puwedeng ang trak ang sumisimbolo sa iyong mismong sarili. At ang takot ay nararamdaman mo dahil duda ka kung kakayanin mong mag-isa ang responsibilidad para sa iyong anak.

Related Posts

Ang isang trak na maalog at mabilis na tumatakbo ay puwede ring maikonek sa iyong sarili. Kung ikaw ay pagod na sa dami ng iyong mga responsibilidad at obligasyon sa buhay, maaaring ang trak sa iyong panaginip ay representasyon ng iyong sarili.

Ang iyong anak ay malinaw namang representasyon ng mga responsibilidad mo sa buhay. Malinaw din ang iyong pagmamahal sa iyong anak.

Anuman ang iyong mabuong interpretasyon, ang iyong panaginip ay konektado sa tinatahak mong direksyon sa buhay. Maging matatag sa gitna ng mga responsibilidad at kumbinsihin ang sarili na kaya mo anuman ang hamon na dumaraan sa iyong buhay. Magtiwala sa sarili dahil hindi ibibigay sa iyo ang mga hamon ng buhay kung hindi mo ito kaya.

Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.