Abante Tonite Interactive

Humataw sa rush hour: 17 habal-habal rider kinorner

0 221

Sa oras ng rush hour, sinuyod ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Eastern Metro Manila upang hulihin ang mga habal-habal o mga motorsiklong iligal na pumapasada sa mga lansangan.

Dahil dito, 17 rider ang nakumpiskahan ng lisensya nang maispatang nagsasakay ng pasahero o nag-aabang sa mga matataong lugar, tulad ng sakayan ng mga bus, jeep at UV Express.

Sinabi ng MMDA, tinatangkilik ng mga pasahero ang habal-habal at mala­kas ang biyahe bilang alternatibong sakayan lalo’t pahirapan ang pagsakay at makaiwas din sa daloy ng trapiko.

Ngunit mas mahal ng P20 ang pamasahe sa habal-habal kumpara sa mga accredited motorcycle taxi.

Ayon kay Celine Pialago, tagpagsalita ng MMDA, tinatayang nasa 80-100 ang mga habal-habal rider sa Eastern Metro Manila lalo na sa Pasig, Mandaluyong, Marikina at San Juan.

Ayon kay Pialago, nasa P6,000 ang multa sa pamamasada ng walang prangkisa, P2,000 naman sa pagtatatag ng iligal na terminal. (Armida Rico)