Abante Tonite Interactive

Hunk actor mayaman ang gay benefactor

1,104

MARAMING nakabantay ngayon sa mga kilos ng isang kilalang hunk actor. Apektado kasi ng nagaganap na kalamidad ngayon ang kanilang probinsiya.

Maganda naman ang puso ng hunk actor, kahit ang kanyang mga dating kaklase at kaibigan ay nagsasabing hindi siya nagbago, nagpapasaya siya ng kanilang mga kababayan tuwing fiesta nang hindi siya naniningil ng talent fee.

Pero may mga malisyosong nag-aabang sa mga ginagawa niya ngayon, tumutulong daw kaya ang hunk actor sa mga nasalanta niyang kababayan, dapat lang daw naman.

Kuwento ng isang source, “Napaka-unfair naman nu’n para sa kanya, parang obligado siyang tumulong dahil malaki raw ang ginaganansiya niya sa pakikipagrelasyon sa mga becking mayayaman!

“Bakit kailangan nilang abangan kung anong ayuda ang naibibigay niya, e, may kusang-palo naman ang taong ‘yun? Kahit walang ganyang kalamidad, e, may naitutulong siya!

“’Yung huwag lang siyang maningil ng talent fee kapag fiesta sa bayan nila, hindi pa ba naman sign ‘yun na may magandang puso siya? Hindi siya nakalilimot sa pinanggalingan niya!” pagtatanggol ng aming impormante sa hunk actor.

Maraming naiinggit sa hunk actor dahil sa paganda nang paganda niyang kabuhayan showcase. Galing kuno ‘yun sa mayayaman niyang gay benefactor.

A, e, i, o, u!

Female personality pinagtripan ang isang network executive

TUMAWAG ang isang kilalang female personality sa isang network executive. Handa na raw siyang bumalik sa pag-arte. Desidido na raw siya.

Good, sabi naman ng ehekutibo, dahil sayang naman ang dati niyang posisyon sa nasabing network na pinapangarap lang ng maraming artista.

Kuwento ng aming source, “Three days after, e, pinatawagan siya ng executive, marami kasing itatanong sa kanya, pero hindi na siya sumasagot.

“Kahit nu’ng mismong ang executive na ang tumatawag sa kanya, e, hindi rin siya sumasagot, pero take note, napaka-active niya sa social media, ha?

“Kung anu-anong post ang inilalabas niya tungkol sa family nila, pero ‘yun inabala niyang movie executive, e, hindi na niya sinasagot!

“Buti na lang at may nagpayo sa production, huwag daw kasi nilang pinaniniwalaan ang mga sinasabi ng female personality na ‘yun, trip lang daw siguro niyang tumawag nu’n, pero lumipas din agad!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Hiwalayang John Lloyd-Ellen wala pa ring kumpirmasyon

MARAMING nagpapalagay na ang pagbabalik sa trabaho ni John Lloyd Cruz ang nagseselyo sa balitang lumabas na tapos na ang lahat sa kanila ni Ellen Adarna.

Matagal nang lumabas ang kuwento ng kanilang hiwalayan, pero wala pang kumukumpirma, parehong tahimik lang sina John Lloyd at Ellen.

Dapat lang namang bumalik na sa tinalikuran niyang trabaho si JLC sila pa rin ni Ellen o hindi na dahil sayang na sayang ang panahon at mga oportunidad na pinalalampas niya.

Sa dalawang taon niyang pagtalikod sa mga camera ay marami nang mga bagong mukha na naglalabasan, magagaling ding umarteng tulad niya, pero ang kinasasabikan pa rin ng marami ay ang pag-arteng tatak John Lloyd Cruz.

Sila ni Shaina Magdayao ang magkatambal sa pagbabalik-pelikula ng magaling na aktor, may pag-uusapan, may babalikan ang publiko sa kanilang tambalan.

Ayos na ang promo ng obra ni Direk Lav Diaz, panalung-panalo na ang pagbebenta sa kanilang proyekto, pero pinakamahalaga pa ring maging maayos ang pelikula para sulit naman ang desisyon ni JLC na magbalik-trabaho na.

Ang tulad ni John Lloyd Cruz na nawala man nang matagal na panahon sa paningin ng manonood ay siguradong meron pa ring babalikan dahil sa matibay na pundasyon sa pag-arte na matagal niyang pinagpaguran.