Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hunk actor rumaraket sa beki

0 660

Nakaipon man ang isang kilalang hunk actor ay ramdam na niya ang unti-unting pagnipis ng naitatabi niyang halaga. Puro palabas kasi at walang pumapasok sa kanyang kaban.

Dati kasi, gumastos man siya nang gumastos ay walang problema dahil may dumarating sa kanya, kaya hindi siya namomroblema sa kanyang kinabukasan.

Hindi niya sukat akalain na may darating palang pandemya, dobleng suntok din ang inabot niya dahil wala na siyang pagtatrabahuhang istasyon, ang naiipon niya ay panipis na nang panipis.

Kuwento ng isang source, “Hindi naman siya masyadong maluho, in fact, inuna nga niyang ipaayos ang bahay nila sa probinsiya. Malaking amount din ang inabot ng pagpapagawa niya.

“Okey lang din sa kanya ang dalawang sasakyan, isang pangporma niya, saka isang ginagamit niya sa shooting at taping. Hindi siya masyadong magastos, kaya nga nakaipon siya,” umpisang kuwento ng source.

Matagal nang umiikot ang balita na may kakaibang sideline ang hunk actor, hindi nga masasabing sideline lang ‘yun, dahil mas malaki ang kinikita niya sa linyang ‘yun na pinasukan niya.

Isang source naman ang nagsabi, “Matalino siya! Wala man siyang honors nu’ng nag-aaral siya, e, umariba naman ang katalinuhan niya sa ibang paraan.

“Palibhasa, e, amoy mabango siya, maganda ang katawan niya, mukha siyang malinis mula ulo hanggang paa, kaya maraming becking nagkakainteres sa kanya.

“Pero maingat siya, hindi mo siya makikitang pakalat-kalat sa mga bar, gumagawa man siya ng milagro, e, sa ibang bansa pa niya ginagawa ‘yun!

“At tunay na madadatung ang pinagbibigyan niya, gumagawa muna siya ng research kung sino ang becking interesado sa kanya!

“Kaya wala siyang problema nu’n, puno ang bulsa niya, hindi tulad ngayon na panipis na ang naiipon niya dahil sa pandemya! Walang raket ngayon ang hunk actor, takot sa corona virus ang mga becki!

“Wala rin siyang trabaho, ikinandado ang network nila, kaya paano na? Katunog pa naman ng isang dambuhalang creature sa dagat ang name niya, pero dahil sa pandemya, baka maliit na isda na lang ang name niya ngayon,” pagtatapos ng aming impormante.

Sapatos ni Raffy sapul kay Kris

Isang katangian ni Kris Aquino na nakatutuwa ay ang hindi niya pagiging maramot sa pagbibigay ng komplimento sa kanyang kapwa. Mabilis siyang pumuri kung paanong mabilis din siyang magpakataklesa.

Sa unang pagtatagpo pa lang nila ng sikat at magaling na news anchor na si Raffy Tulfo ay pinaliguan na niya agad ito ng mga papuri.

Talagang puro mga superlatibong salita ang itinawid niya sa news anchor na may pagkamahiyain. Sa kanilang magkakapatid daw ay si Kuya Raffy ang pinakasikat at gentleman.

Tinawag niyang king ng TV5 si Kuya Raffy, na totoo naman, dahil ito ang pinipiling pagsumbungan ngayon ng mga problemado nating kababayan.

Gustong makasama ni Kris sa isang talk show ang magaling na news anchor, hindi rin siya nakapagpigil na pansinin ang mga rubber shoes ni Kuya Raffy, hindi raw ito nag-uulit. Pero may kasunod pang tanong ‘yun, binibili raw ba ng news anchor ang kanyang mga sneakers, o ibinibigay ‘yun ng mga fans?

Mas maloloka siguro si Kris kung malalaman niya na kapag nangingibang-bansa ang pamilya ni Kuya Raffy ay male-maletang branded stuff ang pinamimili nila ni Congresswoman Jocelyn Tulfo.

Mula ulo hanggang paa ay branded ang isinusuot ng news anchor at hindi ito maramot, namimigay ng kanyang mga kagamitan si Kuya Raffy sa kanyang production staff, kaya palaging panalo ang mga taong nagtatrabaho sa kanya.

Tuloy na tuloy na ang pagbabalik-programa ni Kris Aquino, sa August 15 ang kanyang unang sultada, Lovelife With Kris ang titulo nito na ngayon pa lang ay pinaghahandaan nang tutukan ng ating mga kababayan pagkatapos niyang mawala sa gitna ng aksiyon nang halos apat na taon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.