Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hunk actor tsismoso

0 111

Bistado na ng kanyang mga kasamahang artista at mga katrabaho ang pagiging tsismoso ng isang hunk actor.

Kalalaking tao, komento ng kanyang mga co-stars, pero mahilig sa tsismis ang male personality na ito.

Palaging nakabukas ang dalawa niyang tenga kapag may mga nag-uumpukan at pinagpipistahang kuwento. Hindi siya mapakali, kailangan niyang makisali, wala siyang pinaliligtas na siyete.

Kuwento ng aming source, “Para ngang hindi kapani-paniwala ang kuwentong ito dahil di ba, may pagkasuplado ang male personality na ‘yun?

“Madalas siyang napagkakamalang suplado at unapproachable, pero sa likod pala ng mga katangiang ‘yun, e, ubod siya ng tsismoso!” paunang komento ng aming impormante.

Kung minsan pala ay pinaglalaruan ng kanyang mga katrabaho ang hunk actor. Nagpapakitang nagbubulungan at nag-uumpukan ang mga ito.

Patuloy ng aming source, “Korek! Talagang pinagtitripan nila si ____(pangalan ng hunk actor na may karelasyong popular na female personality), kahit wala naman silang pinag-uusapan, e, nagkukunwari silang may pinag-uusapang kuwento.

“Kapag nakita na sila ng hunk actor, e, hindi na siya mapakali, talagang pupunta siya sa lugar kung saan nagkukuwentuhan ang mga co-stars niya, nakikisali siya!

“Marami siyang alam na kuwento, may-I-share siya ng mga alam niya, kumpirmadong tsismoso nga ang hunk actor!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.

Wala kunong maililihim sa male personality na ito. Pati ang mga naglalabasang blind items ay nahuhulaan din niya.

Humahalakhak na kuwento ng source na naloloka sa hunk actor, “Naku, napakagaling niyang manghula ng mga blind items. Magaling siyang mag-connect the dots!

“Kapag hirap na siya sa panghuhula, e, gumagamit pa siya ng Google! Bilib nga sa kanya ang mga kasamahan niya, e! Tsismoso talaga siya!

SM food to go Banner Ad

“Ang tanong, alam kaya ng girlfriend niya ang pagiging tsismoso niya? Naaamoy kaya ng girl na puwedeng maging reporter ang karelasyon niya?

“Ngayon natin malalaman kung gaano siya kagaling sa panghuhula! Matumbok kaya ng hunk actor na siya ang bumibida sa blind item na ito?” halos himatayin na sa katatawang pagtatapos ng aming source.

-o0o-

Ara ikakasal sa April 28

Wala pang anumang impormasyong inilalabas si Ara Mina tungkol sa pagpapakasal nila ni Dave Almarinez. Ang palaging sinasabi ni Ara ay hindi pa nila nauupuan ‘yun dahil palagi siyang naka-lock-in sa taping ng ang Ang Probinsiyano.

Pero isang reliable source na ang nakapagsabi sa amin, ang kasalang Dave Almarinez-Ara Mina ay magaganap na sa April 28 sa Baguio City, wala nang urungan ang kanilang pagpapakasal.

Pangarap ng bawat babae ang maglalakad papunta sa altar kung saan naghihintay ang kanyang mapapangasawa, dekada nang pinapangarap ni Ara Mina ang pagpapakasal.

Kuwento ng aming source, “Kaya nga sa mga eksenang kasalan sa ginagawa niyang movie o serye, e, mababaw ang luha ni Ara. Naiiyak siya, ini-imagine niya ang sarili niya na siya na mismo ang ikinakasal.

“At it’s about time na magpakasal na siya, hindi na bumabata si Ara, kailangan na niyang humabol sa huling biyahe para magkaroon sila ng anak ni Dave,” kuwento ng aming kakuwentuhan.

Saktung-sakto para kay Ara Mina ang kasabihang pagkahaba-haba man ng prusisyon ay sa simbahan pa rin ang tuloy.

Napakahaba ng naging biyahe ng aktres sa pakikipagrelasyon. Madalas siyang nasasaktan pero may dumating na lalaking magmamahal sa kanya at paninindigan ang paghahatid sa kanya sa altar.

Leave A Reply

Your email address will not be published.