Abante Tonite Interactive

Hunk actress ang tawag sa macho actor

0 201

TAKANG-taka ang aming source kung bakit hunk actress ang tawag ng mga nasa isang umpukan patungkol sa isang macho actor na talaga namang nagmumura ang mga abs.

Bukod sa tawag na hunk actress ay lola rin ang tawag sa kanya ng marami, kulang na lang na sabihing kumpirmadong becki ang hunk actor, dahil sa katawagan sa kanyang personalidad.

Sabi ng isang source, “Naku, ‘yan talagang lola n’yo, walang kadala-dala! E, kalat na kalat na ang kuwentong binigyan niya ng puhunan ang isang guwapong non-showbiz guy para ipangnegosyo!

“True! Siya pala ang namuhunan sa business nu’ng guy! Alam na ‘yun ng buong community na kinabibilangan nu’ng guwapong lalaki!

“‘Yan talagang hunk actress na ‘yan, hindi siya marunong mag-ingat! At ang nakakalokah pa, kapag natatanong siya tungkol sa pag-aasawa, e, panay-panay ang press release niya na malapit na raw!

“Ganern? E, kailan nga? Bakit wala pa rin naman siyang pinakakasalan hanggang ngayon? Naku, sagana siya sa press release, e, hindi naman siya head ng adprom!” napapailing na lang na pagtatapos ng aming impormante.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Female personality itinakwil na ang bisyo

SUMUSUMPA ang isang source na nagbago na raw talaga ang isang female personality na nabigyan ng pagkakataong mamayagpag ang career maraming taon na ang nakararaan.

Ibang-iba na raw siya ngayon, pagdidiin pa ng aming impormante, wala na raw siyang bisyo at career na lang ang pinagkakaabalahan at binibigyan ng panahon ngayon.

Hindi naman kaya nagbago lang siya ng pagkukunan? Pagdidiin ng aming source ay hindi raw, naniniwala ito na nagbago na talaga ang female personality na umabot hanggang langit ang pagiging pasaway sa kaitaasan ng kanyang karera, kaya siya bumagsak at malakas ang kanyang paglagapak.

Sana nga ay totoo na ang pagbabagong sinasabi ng female personality at hindi basta kuwento lang. Nauntog na siguro siya sa katotohanan na walang may hawak ng bukas, tao ang nagmamando ng kanyang pag-angat at pagbagsak, tulad ng naganap sa kanyang career.

Sayang kasi ang kanyang talento, magaling siyang umarte, maraming salamat sa taong dumating sa kanyang buhay na naging positibong impluwensiya sa kanya.

Kung tunay ngang nagbago na ang babaeng personalidad ay hindi na La Ocean Deep, as in laos, ang dapat kantahin para sa kanya. Bed Of Roses na.

Sarah-Matteo pinagdududahang kasal na

ILANG buwan na ang nakararaan ay nagtanong sa amin si Pixie Jude, isang anak-anakan naming naninirahan na nang ilang dekada sa Norwich, England, kung nagpakasal na ba sina Matteo Guidicelli at Sarah Geronimo.

Mula sa Dubai ay bumiyahe papuntang Europe ang magkasintahan, sa Amsterdam sila nakita ng ating mga kababayan, silang dalawa lang ang magkasama.

Matindi ang pagkaintriga ni Pixie Jude, alam nito kung paano paghigpitan ni Mommy Divine si Sarah, kaya naisip nitong usisain sa amin kung nagpakasal na ba sina Matteo at Sarah.

Ilang araw pa lang ang nakararaan nang ilantad ni Matteo na engaged na sila ni Sarah. Maraming natuwa, napakaraming naligayahan para sa balita, lalo na para kay Sarah. Pero ibinuking sila ng nakababatang kapatid ni Matteo na si Paolo, isang taon na pala silang engaged, hindi ngayon lang.

Naisip namin ngayon si Pixie Jude, tama ang kanyang pang-uusisa, hindi papayag ang mga magulang ni Sarah na magbakasyon sila ni Matteo sa ibang bansa kung wala pang pangako ng kasalan na nagaganap.

Sinusulat namin ang kolum na ito ay tumawag sa amin si Pixie Jude, napanood daw nila sa Cristy Ferminute ang mga kuwento namin ni Romel Chika, tama raw ang kanyang duda nu’n.

“Nakagugulat lang po kasi na silang dalawa lang ang magkasama, sa isang hotel room lang sila naka-check-in, kaya ang tanong ko sa iyo nu’n, e, kung nagpakasal na ba sila?

“See? One year na pala silang engaged, hindi ngayon lang, kaya madalas na silang mag-tour na silang dalawa lang ang magkasama,” konklusyon ng aming anak-anakan.

Oo nga naman!