Abante Tonite Interactive

Husgado sa kuweba, kinakatakutan

448

MISTERYO
Rey T. Sibayan

Mga Ka-Misteryo nakaakyat na ba kayo sa Bundok Banahaw? Patok ang bundok sa mga himala lalo na sa mga may sakit, sa mga spiritual healer at sa mga mag-a-anting-anting. May isang lugar sa Banahaw na kinakatakutan sa matin­ding pagsubok na puwedeng daanan ng isang tao.

‘Yan ang ating paksa ngayon, “Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo!”
Sa kuwentong salaysay ni Manny, inilahad niya sa #TeamMisteryo ang hindi niya malilimutang karanasan nang pumasok sa kuweba ng husgado sa Bundok Banahaw.

Nagkuwento pa noon kay Manny ang kanilang ‘pator’ o gabay sa Banahaw na may isang lalaki ang big­lang nawala sa loob ng kuweba ng maraming araw at nakalabas na gutay-gutay ang damit at maraming sugat sa katawan.

May isa umanong lalaki ang bigla ring naglaho sa kuwebang husgado, hinanap ng ilang linggo at naba­litaan na lamang na lumitaw sa isang lugar sa Bulacan na sobrang layo mula sa Quezon kung saan nakatayo ang Banahaw.

Inamin ni Manny sa #TeamMisteryo sa kinaba­han siya sa bungad pa lang ng kuweba at nang papasok na siya ay sobrang kipot ng butas ang kaila­ngan niyang malusutan at sa tingin niya ay imposibleng magkasya kahit payat na tao.

Narinig niya ang kanilang pator o gabay na nagsabing “magdasal at manalig para makalusot sa makipot na butas, dito sinusukat ang pana­nalig sa Diyos. Ayaw kong may mangyaring masama sa inyo.”

Hindi nakatiis si Manny, sumagot siya sa sinabi ng pator at nagtanong: “Sobrang kipot ng butas ka Nick paano ito?”

Nick: “Manny puwede mo iunat ang isang kamay mo at sa taimtim na dasal makikita mong lumuluwag ang butas.”

Sinunod ni Manny ang sinabi ng pator at kinilabutan siya nang napansin niyang lumuwag ang daan sa loob ng kuweba at nakalu­sot sa sobrang kipot ng butas.

Manny: “Oo nga sala­mat sa Diyos, lumuwag nga ka Nick nakalusot na ako.”

Nang malapit na siyang makalabas sa kuweba at isang liko na lang ang kailangan daa­nan nang mapansin ni Manny na dalawa ang likuan— isang pataas na pakaliwa at isang pababa na paka­nan. Dito nagtanong si Manny sa pator.

Manny: “Ka Nick dalawa itong likuan saan dapat dito? Pakaliwa Pataas o Pababang Pakanan?”

Nick: “Teka… teka… ‘wag ka muna pumasok kahit saan ang alam ko isa lang likuan wala nang iba pa.’

Biglang natakot si Manny, parang mas malakas ang hatak sa kanya na kumanan pababa dahil may mga kandilang nakatulos sa gilid.

Papasok na sana siya sa kanan nang may kumalabit sa kanyang likuran.

Halos humiyaw sa gulat si Manny. “Ako ito Manny, si Nick.” Pabulong na sambit ni Nick
Lumingon sa kanya si Manny sabay tanong: “Alin dito ang daanan, nalilito ako.”

Nick: “Teka wala akong nakikitang pababang lagusan ah dapat paakyat tayo pakaliwa.”

Paglingon ni Manny sa kanyang harapan ay wala na nga ‘yung pababang lagusan at sarado na solidong batong dingding ang kanyang nakita.

Biglang nangilabot at pinagpawisan ng malapot si Manny paglabas ng kuweba. Abot ang pagdarasal at pasasalamat at hindi siya naligaw sa loob ng kuweba.

Maraming kuwentong kababalaghan sa Bundok Banahaw na karamihan ay pagpapagaling sa mga may sakit ngunit kakaiba ang mga nakakatakot na kuwento sa kuwebang husgado.