Abante Tonite Interactive

Hustisya ang dapat gumana

261

Marami nga ang nagsusulong ngayon ng pagbabalik ng parusang kamatayan.

Nagpupuyos kasi sa galit ang taumbayan sa karumal-dumal na rape slay sa Lapu-Lapu City sa Cebu.

Natagpuang walang pang-ibabang saplot at binalatan pa ang mukha ng 16-anyos na biktima. Grade 9 lang ang dalagita na walang awang pinaslang ng salarin o mga salarin.

Kahit sinong magulang ay mahihiling na bitayin ang demonyong may kagagawan nito.

Ang tanong: nasa bigat ba ng parusa ang susi para mabawasan kundi man mabura ang heinous crimes na gaya nito? O mas tamang linisin ang justice system para masigurong buhay at gumagana ang patas na hustisya sa bansa?

Minsan na kasing umiral noon sa Pilipinas ang parusang kamatayan pero sa maiksing panahong iyon, sino lang ba ang nabitay? Hindi ba’t mga maliliit na tao lang gaya ng magtataho? Iyong walang pambayad ng mahusay na abogado?

Ang mayayaman kasi, kaya nilang kumuha ng pinakamahuhusay na abogado. Makuwarta sila e. Duda pa nga ng marami, hindi lang lawyer ang kaya nilang bilhin kundi pati hukom. Masakit ‘yan!

Kawawa lang ang madedemandang mahihirap dahil magiging para sa kanila lang ang death penalty.

Sa kabilang banda, kung lilinisin ang justice system, lalo na sa hanay ng mga huwes na nabibili o napi-pressure na magbaba ng desisyon pabor sa mga may pera at nasa kapangyarihan, mas malalapatan ng katarungan ang ganitong mga krimen at pati na ang iba pang mas maliliit na kaso.

Pinakamahalaga pa rin ang isang epektibong sistemang pangkatarungan kaysa pagkakaroon ng parusang kamatayan.

Walang makakamtang hustisya sa bitay sa ilalim ng sistema na nadidiktahan ng pera at ng mga taong nasa kapangyarihan ang hatol ng korte!