Abante Tonite Interactive

Hustisya ang sigaw para kay Sen. Bong Revilla matapos ang 4 na taon sa kulungan

By
1,421

Noong ika-23 ng Hunyo ay iminarka ang ika-4 na taon sa kulu­ngan ng aking ama at dating Senador, Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. dahil sa isyu ng PDAF scam na kinasangkutan din diumano ng ilang mga senador. At matapos ang 4 na taon ay nagpapa­tuloy ang imbestigasyon sa mga isinampang kaso kay Sen. Bong.

Nabinbin ng ilang mga buwan ang pagdinig sa Sandiganbayan dahil sa ilang mga aberya sa mga witness subalit noong Hunyo 26, araw ng Martes ay isinalang ang isang ‘hostile witness’ sa First Division ng Sandiganbayan. Sinang-ayunan ng tatlong mga justice na tumestigo bilang ‘hostile witness’ para tumestigo sa defense. Ito ay batay na rin sa kahilingan ng kampo ni Sen. Bong.

Sumalang sa hea­ring ang ‘hostile witness’ na si Merlina Suñas, isa sa mga whistleblower ng PDAF scam, na emple­yado ng JLN Corporation na pagmamay-ari ni Janet Lim Napoles. Ayon kay Suñas, iginiit niya pa ring hindi niya nakita si Sen. Bong sa kanilang opisina tulad ng kanyang mga paha­yag noong 2014. Pinabu­laanan niya ang mga pahayag na nagpupunta si Sen. Bong sa kanilang opisina para kumuha ng kickback na resulta ng paglalagay ng pondo sa mga pekeng NGO.

Abante Hiring – IT dep

Maliban kay Suñas, ang mga prosecution witness na sila Mary Arlene Baltazar at Marina Sula ay nandoon din sa hearing noong Hunyo 26 at sasalang sila ngayong araw, Hunyo 28, bilang mga ‘hostile witness’.

Hutisya ang sigaw ng bawat mamamayang Fi­lipino para kay Sen. Bong Revilla. Labis ang hinagpis ng aming pamilya dahil sa ma­tagal na pagkawalay sa aming ama. Subalit hindi kami titigil para makamit ang hustisya at malaman ang katotohanan. Kami ay lubos na umaasa na nalalapit na ang hatol o desis­yon para sa kaso ng ­aking ama. Sa 4 na taon niyang nasa kulungan, hindi nawalan ng pag-asa ang aking ama at tiniis ang lahat ng sakri­pisyo para lamang maipakita sa samba­yanang Filipino na siya ay walang sala at naging biktima lamang ng politikal na persekusyon.

Malaki ang tiwala namin sa sistema ng hudikatura sa ating bansa. Sila man minsan ay nahaharap sa kaliwa’t kanang mga isyu, naniniwala ako na ang kanilang prinsipyo, paninindigan at paniniwala sa batas ang siya pa ring mananaig. At sa huli ay umaasa ako na maila­labas nila ang pawang katotohanan.

Hindi naging madali sa aming pamilya na kaharapin hanggang sa ngayon ang pangyaya­ring ito. Subalit malaki ang pasasalamat namin dahil nasa likod naming ang mga Caviteño gayundin ang mga Filipino. Kami ay patuloy na lumalapit sa inyo na samahan kaming dumulog sa Maykapal na ha­yaang katotohanan ang lumabas sa paglilitis sa aking ama. Sa kabila ng kinakaharap ng aming pamilya, kami ay nanga­ngakong magpapatuloy na maglilingkod sa inyo dahil naniniwala ako na sa ‘nagkakaisang Cavite, walang imposible!’

At tulad na rin la­ging sinasabi ng aking ama: Sa bawat Filipino lamang siya kumukuha ng lakas para magpatuloy. Nais ko lamang banggitin muli sa inyo, na para sa kanya, ‘Pinoy ikaw ang idol ko!’