Abante Tonite Interactive

Hustisya kay FPJ

392

Sa darating na ­Disyembre 14, Sabado, ang ika-15 anibersaryo ng kamatayan ni Fernando Poe Jr. Taong 2004, sa St. Lukes Medical Center, Quezon City, bina­wian ng buhay si FPJ sa edad na 65.

Matagal nang panahon pumanaw si FPJ pero hanggang ngayon ang kanyang alaala ay patuloy na sinasariwa ng taongbayan. Ang kamalayan ng mahabang panahong kapiling nila si FPJ sa kanyang mga pelikula ay hindi naglalaho at nagpapatuloy na nagaalab sa isipan ng kanyang mga tagahanga.

Sa tuwing dumarating ang kaarawan ni Da King, marami ang dumadalaw sa kanyang puntod sa Manila North Ceme­tary. Hindi lang mga miyembro ng pamilya ang bumibisita kundi pati na rin ang mga ordinaryong mamamayan na patuloy na humahanga sa namayapang aktor. Noong Undas, bumuhos din ang mga taong nagtirik ng kandila kay FPJ.

Pagluluksa ang gagawing paggunita sa kamatayan ni FPJ. Para sa mara­ming nagmamahal kay FPJ, ang kawalang katarungan ng kanyang kamatayan ay lalu lamang magbibigay sa kanila ng inspirasyon para ituloy ang labang naiwan ni Da King.

Noong gabi nang ­Disyembre 11, 2004, nasa kanyang production studio si FPJ at nagdiriwang ng Christmas party. Nagreklamo ito ng pagkahilo at isinugod sa ospital. Makalipas ang ilang araw, binawian siya ng buhay. Kahit hindi pa uso noon ang social media, usap-usapan na ang dahilan ng pagkamatay ng aktor. Marami ang nagsasabing mabigat pa rin ang kalooban ni Da King matapos madaya ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2004 presidential elections.

Hanggang ngayon ay hindi pa naghihilom ang sakit na nararamdaman ng mga nagmamahal kay FPJ. Hindi malilimot ng mahabang panahon ang kanilang paghihintay makamit lamang nila ang katarungan para kay FPJ.

At kung meron mang nagsasabing nilimot na ng taongbayan si FPJ, ito ay pakana lamang ng kanyang mga kalaban na nais siraan ang mga nagmamahal kay Da King. Walang puwang para sabihing nilimot na si FPJ dahil hanggang ngayon ay nasa alaala pa rin siya ng bawat Pilipino.

Pero ang sabi nga, ang katarungan ay makakamit lamang sa pamamagitan ni Senator Grace Poe. Si Grace ang ­tanging may kakayanang ­mamuno at makakapagbigay ng katarungan sa kanyang ama. At sa tulong ng mga supporters ni FPJ, hindi mabibigo si Grace sa naiwang laban ng kanyang namayapang ama.