Abante Tonite Interactive

Hustisya, nakamit kaagad ng pinaslang na dalagita

0 386

EDISON REYES

Pasado alas-tres pa lamang nang madaling-araw noong Abril 7, 2019 ay gising­ na si Ronalyn upang paghandaan ang kanilang pagdiriwang ng ika-apat na taong anibersaryo ng kanilang pagiging magkasintahan ni Jenjen.

Sa pahayag ni Aling Desiree sa TUGIS, sinabi niya na hindi lamang ang ika-apat na taong anibersaryo ng kanilang pag-iibigan ni Jenjen ang pinaghahandaan ni Ronalyn kundi pati na rin ang nalalapit niyang pagdiriwang ng ika-18 kaarawan sa Hunyo 16, 2019.

Aniya, pagpasok pa lamang ng buwan ng Abril ay naging masigasig sa pagtulong sa pagtitinda ang kanyang anak at inii­pon ang kanyang mga kinikita upang magamit na panggastos sa araw ng kanyang debut.

Nais aniya ng kanyang anak na maging makasaysayan kahit na gaano pa ka-simple ang pagsapit ng araw ng kanyang pagdadalaga at ina­ayos na ang mga pangalan ng kanyang mga kukumbidahing kaibigan at kaanak na lalahok sa pagha­handog sa kanya ng 18 bulaklak na rosas bago siya isayaw.

Sa mismong araw naman ng pagdiriwang ng kanilang ika-apat na taong anibersaryo ni Jenjen, lumabas ng kanilang bahay si Ronalyn at nagtungo sa maliit na karinderia upang doon na kumain bago pa man ang tipa­nan nila ng kasintahan.

Gayunman, ang hindi batid ng lahat, ito na ang huling araw ng pagdiriwang nila ng anibersaryo ng kanilang pag-iibigan ni Jenjen dahil habang kumakain sa maliit na karinderia dakong alas-3:30 nang mada­ling-araw, nilapitan siya ng nag-iisang salarin at kaagad na tinutukan ng hawak na baril bago pinaputukan ng ilang ulit sa likurang bahagi ng kanyang katawan.
Bagama’t sugatan, nagawa pang makatayo ni Ronalyn at nagtangkang tumakbo subalit kaagad ding nahandusay sanhi ng mga tama ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa likuran.

Mabilis namang tumakas ang salarin makaraan ang pamamaril habang dinala ng kanyang mga kaanak sa Tondo General Hospital si Ronalyn upang malapatan ng lunas subalit dakong alas-4:30 nang madaling-araw ay idineklara siyang wala ng buhay.

Nang magtungo sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang mga kapulisan sa pa­ngunguna ni Manila Police District (MPD) Station 1 commander P/Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo, nakuha nila sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang isang basyo ng bala ng kalibre .9mm na baril at dalawang depormadong slug sa kahalintulad ding kalibre.

Kaagad iniutos ni Col. Magdaluyo na i-kordon ang lugar upang hindi magalaw ang iba pang mga makukuhang ebidensiya habang hinihintay ang pagdating ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at mga imbes­tigador mula sa Homicide Section ng MPD Headquarters.

Iniutos din ni Col. Magdaluyo sa kanyang mga tauhan na mangalap ng mga posibleng testigo na nakasaksi sa krimen lalo na’t napakarami na ng tao sa naturang maliit na lansangan kahit pa nga hindi pa sumisikat ang araw.