Abante Tonite Interactive

Hustisya sa mga pasahero sa NAIA 1

By
204

Dapat ay may managot sa nangyaring kapalpakan at kabagalan sa pag-aalis ng eroplano ng Xiamen Airlines na humambalang sa NAIA 1 na nakaapekto sa daan libong pasahero.

Wala namang may kagustuhan sa nasabing insidente pero ang mabagal na pagkilos ng Department of Transportation (DOTr) ang dapat alamin at im­bestigahan.

Ang kawalan daw nang sapat na kagamitan ang siyang nagpatagal sa sitwasyon sa NAIA 1 kung kaya ang libo-libong domestic at international flight ang naapektuhan.

Panahon na upang planuhin ng DOTr ang pagbili ng sari­ling kagamitan upang ipambuhat at maialis sa runway ang anumang nakahambalang na ­eroplano.

Walang pinag-iba ‘yan sa kalsada na kapag may tumirik na malalaki at mabigat na truck ay hindi agad maialis sa kalsada dahil din sa kawalan ng kagamitan ng MMDA.

Pero ang pinakamasaklap dito ay maraming pasahero ang naapektuhan at naperwisyo na dapat ay mabigyan ng hustisya.
Hindi rin nakalatag nang maayos na sistema ang DOTr para sa mga airline company kung papaano aasikasuhin ang kanilang pasahero na nagdusa nang husto.

Sa mga ganitong sitwasyon, mayroon sanang nakahandang sistema ang DOTr na para bang may nangya­ring kalamidad na kailangan ang presensiya ng gobyerno lalo na sa mga evacuation center.

Maaaring mabawasan ang pagdurusa ng mga pasahero kung maayos silang nakalinga ng mga tauhan ng kanilang airline na sinakyan pero dapat ay may gabay dito ang DOTr.

Tama, walang sisihan at dapat na aminin kung sino ang nagkulang pero marapat din na mabigyan ng hus­tisya ang mga pasahero lalo na ang mga overseas Filipino worker na ang ilan ay nanga­ngambang mawalan ng trabaho dahil sa pagkaantala ng biyahe.

Sa nangyaring sitwasyon, malayo pa na makamtan ang pa­ngarap na dumagsa ang mga turista sa Pilipinas mula sa ibayong dagat dahil naipakita ng DOTr ang kahinaan nito sa mabilis na pagresolba sa nasabing krisis sa paliparan.