Abante Tonite Interactive

Hustisya sa murder victim ipinaglaban ng testigo

592

Sa anong paraan makakapanlaban ang isang biktima ng karahasan, kung tatlo ang kanyang magiging kalaban at armado pa ng baril at patalim?

Wala na sigurong ibang paraan kundi ang kumaripas nang takbo upang iwasan ang posibleng mangyari sa kanyang buhay sa kamay ng mga katunggali.

Ganito ang naging kapalaran ni Rolando Necesito na walang a­wang ginulpi, sinaksak at binaril ng tatlong lalaki na kanyang nakasagutan noong Enero 20 nang gabi, t­aong 2002 sa Barangay Cabanaetan sa Mabini, P­angasinan.

Abante Hiring – IT dep

Ang mga inaakusa­hang pumaslang sa walang kalaban-labang biktima ay sina Manny Ramos, Roberto Salonga at Servillano Nacional na pawang nadakip ng mga pulis matapos lumutang ang isang testigo na nakasaksi sa ginawa nilang pagpatay sa biktima.

Kaagad na isinampa sa piskalya ang kasong murder laban sa tatlo, at dahil matibay ang mga ebidensiya at testimonya ng testigong si Reynaldo Necesito, umakyat ang kaso sa Branch 70 ng Regional Trial Court ng Burgos, Pangasinan na may Criminal Case No. B-243.

Batay sa testimonya ng testigong si Reynaldo, sa pagitan ng alas-nuwebe hanggang alas-10:00 nang gabi ng Enero 20, 2002, naglalakad siya patungo sa tindahan ni Leonida Fabrigas nang mamataan niya ang mga akusado habang binubulyawan ang biktimang si Rolando hanggang marinig niya si Ramos na minura at binantaang papatayin ang biktima.
Dito na nahintakutan si Rolando kaya’t sa halip na manlaban, kumaripas siya ng takbo subalit hinabol siya ng tatlo at nang abutan ay pinagtulungan ng dumugin hanggang makarinig ang testigo ng apat na putok ng baril.
Nagtago si Reynald­o sa puno ng duhat at mula doon ay kitang-kita niya nang humandusay na padapa sa lupa si Rolando bago muli itong pinaputukan ni Ramos saka tumakas na ang mga akusado.

Dahil sa matibay na ebidensiyang inihain ng tagausig, pinatawan ng RTC Branch 70 ng parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo ang mga akusado sa kasong murder aggravated with the use of an unlicensed firearm at hindi pinahihintulutang mag-apply ng parole. Inutos din ng korte na bayaran ang mga naulila ng napaslang ng P50,000 bilang moral damages, P50,000 para sa bayad-pinsala at P50,000 para sa temperate damages.

Binigyan ng bigat ng hukuman ang direkta at walang kagatol-gatol na pahayag ng testigong si Reynaldo na positibong kumilala sa mga akusado at ginawa niya ito nang walang anumang motibo upang idiin sa kaso ang tatlo.

Hindi rin pinaniwalaan ng korte ang depensa ng mga akusado na wala sila sa naturang lugar nang mangyari ang pagpatay kay Rolando, at itinuturo lamang sila ni Reynaldo dahil may kimkim itong sama ng loob sa kanila.

Nang rebisahin ng Court of Appeals (CA) ang hatol ng Burgos, Pangasinan RTC, naglabas ng desisyon ang appellate court na nagpapatibay sa ipinataw na parusa at itinaas pa sa tig-P75,0000 ang bayad-pinsala at moral damages kasabay ng pagpapataw ng anim na porsiyentong interes kada taon hangga’t hindi nababayaran ang kabuuan.

Nakasaad sa desisyon ng CA na sinamantala ng tatlong akusado ang kanilang pinagsama-samang lakas at gumamit pa ng armas sa ginawang pagpaslang sa walang kalaban-labang biktima na nasaksihan ng testigong si Reynaldo.

Hindi naman ikina­siya nina Nacional, Ramos at Salonga ang ibi­nabang hatol ng appellate court kaya’t magkahiwalay silang naghain ng apela sa Supreme Court (SC). Inihain ng abogado ni Nacional ang Notice of Appeal habang ang mga abogado nina Ramos at Salonga ay naghain ng hiwalay na petition for review on certiorari upang tala­kayin kung wasto ang inilabas na resolusyon ng CA na nagpapatibay sa hatol na reclusion perpetua sa kasong murder aggravated with the use of an unlicensed firearm.

Bagama’t pinuna ng SC ang pagkakamali nina Ramos at Salonga nang ihain nila ang kanilang petisyon lalo na’t pinakamabigat na parusa ang ipinataw sa kanila, pinag-isa pa rin ang petisyon at itatrato na lamang ang dalawang magkahiwalay na apela at petisyon na parang isang ordinaryong apela para na rin sa interes ng patas na pagpapataw ng hustisya.

Sa ginawang pag­rerebisa ng mataas na hukuman sa naturang kaso, nasilip nila ang kakulangan ng tagausig na patunayang may ginamit na hindi lisensiyadong baril ang mga akusado lalo pa’t hindi nakalagay sa ulat ng pulisya kung nabawi ang ginamit na baril sa pamamaslang kahit pa nga hindi mapapasubalian na may mga tama ng bala ng baril ang nasawi.

Ayon pa sa SC, kung sakali mang nabawi ang baril, hindi naman napatunayan kung hind nga ito lisensiyado tulad ng nakasaad sa desisyon ng mababang hukuman at ng Court of Appeals.

Sa kabila nito, ibinasura pa rin ng SC sa pamamagitan ng ipinonenteng desisyon ni Associate Justice Estela Perlas-Bernabe noong Enero 23, 2017 ang pinagsamang petisyon at apela ng mga akusado at pinagtibay ang desis­yon ng appellate court na patawan ng mabigat na parusang habambuhay na pagkabilanggo ang mga akusado bagama’t i­binaba lang ito sa simpleng kaso ng murder at hindi murder aggravated with the use of an unlicensed firearm.

Bukod dito, inatasan din ng SC ang mga akusado na magbayad sa nauli­lang pamilya ng biktima ng P50,000 bilang temperate damages, P75,000 bilang civil indemnity, P75,000 bilang moral damages at P75,000 bilang exemplary damages na may anim na porsiyentong interes kada taon hangga’t hindi nababayaran ang kabuuang halaga.