Abante Tonite Interactive

Hustisya sa ‘Pinas, pangarap na lang ba?

By
803

Kung ka-pamilya o supporter ka ni da­ting Palawan Governor Joel Reyes, tiyak na maglulundag kayo sa tuwa dahil nakalaya na ito matapos ang mahigit dalawang taong pagkakakulong.

Dinismis kasi ng Court of Appeals (CA) ang kaso laban sa kaniya na pagpatay kay Dr. Jerry Ortega, isang broadcaster at environmentalist noong Enero­ 24, 2011 sa Barangay San Pedro, Puerto Princesa, Palawan.

Pero kung ikaw ang naulilang asawa, anak, kapatid o magulang ni Ka Jerry, palalagpasin na lang ba ninyo ito at hihintayin ang karma para siyang gumanti sa mapait na sinapit ng inyong mahal sa buhay mula sa makapangya­rihang utak ng krimen?

Luluha ba kayo ulit dahil sa ikalawang pagkakataon ay magluluksa na naman kayo? Hindi dahil sa kinitil na buhay kundi sa ipinagkait na hustisya.

Katarungang kay-tagal na hinintay. ‘Yung pag-asang kay-tagal na inalagaan sa inyong mga puso pero naglaho sa isang iglap. Para sa isang miyembro ng media na tulad ko, nakalulungkot at nakakagalit na sa ganito hahantong ang pag-aalay namin ng buhay para sa katotohanan.

Hindi po ako nanghuhusga. Sa totoo lang po tayo. Hindi lahat ng nakakulong at nagdurusa sa mga kulu­ngan ay mga kriminal at totoong may kasalanan. Karamihan sa kanila ay mga biktima ng pagkakataon na umaasam na balang araw ay malilinis nila ang kanilang mga pangalan.

Pero mas nagdudumilat po ang katotohanan na kung sino pa ang nasa likod ng malalaking krimen ay sila pa ang nakalalaya at kumikilos na akala mo ay mga inosente.

Sa kaso ni Ka Jerry,­ ang expose nito sa umano’y mga katiwalian ng dating gobernador, gaya ng paglustay daw sa pondo ng Malampaya, ang naging mitsa ng pagkamatay nito.

Pero sabi nga ni Solicitor General Jose Calida, umaalingasaw na parang bulok na isda ang naging desisyon dito ng CA na ang nag-ponente ay si associate justice Normandie Pizarro. Kahit siya ay nagtataka sa pasya nitong pagreretiro ngayong taon gayung dapat ay sa 2019 pa ang kaniyang mandatory retirement age na 70.

Bakit nga ba? May nangyari bang himala? May gusto bang iwasan? Nauna na kasing sinabi­ ni Calida na paiimbes­tigahan niya kung may naganap na ‘milagro’ o ‘magic’ sa kaso ng pinaslang na doktor at broadcaster sa C.A.

Pero sabi nga, sa gitna ng kadiliman ay may ga-tuldok na liwanag pa rin na maaa­ring kapi­tan ng mga naulila ni Ka Jerry para tuluyang makamit ang katarungan para sa ating kasamahan sa propesyon. At ‘yang ga-tuldok na liwanag ay maaarin­g lumaki hanggang matabunan ang kadi­liman sa paligid.

Manalig po tayo sa tunay na himala at hiwaga ng ating Panginoong Diyos.