Abante Tonite Interactive

Hustle, energy, depensa ang susi — Lee

0 314

huling kahig, tuka

Ipinagpag na ni Paul Lee at ng Magnolia Pambansang Manok ang 98-86 Game 6 loss sa San Miguel Beer noong Linggo na nagtabla sa PBA Philippine Cup Finals sa tigatlong laro.

Ang mahalaga ay may Game 7 pa.

Pinakamasarap pakinggan sa isang serye ang Game 7. May 50-50 chance ang magkaribal.

Kagandahan, nakauna sa 3-2 ang Hotshots kaya may winner-take-all. Walang pressure sa Magnolia, kahit nasagad ang series na nauwi sa kung sino ang mas desididong manalo.

“Hindi namin iniisip ‘yun,” ani Lee sa pressure ng decider. “Just play our game and be ready for Game 7. Wala namang reason para ma-pressure kami.”

Isang team na nagtatangkang pahabain ang dynasty sa limang seasons, sa kabila ay naghahangad na gumawa ng pangalan.

Para mapigilan ang five-peat ng San Miguel, may nakikitang paraan ang Magnolia guard.

“Siguro ‘wag lang bumaba ang energy namin from start to finish,” giit ng Angas ng Tondo. “Hustle lang kami. ‘Yun lang ang key du’n, at ‘yung depensa namin hindi dapat mawala.”

Aminado si Lee na napipigil siya ng nana­nakit na kaliwang balikat, ilang araw din niyang ipinahinga para itodo mamaya sa winner-take-all sa Smart Araneta Coliseum.

“Medyo stiff lang siya,” ani Lee, nag-start pa rin noong Game 6 at tumapos ng 10 points mula 4 of 9 shooting, may 7 rebounds at 3 assists sa loob ng 28 minutes. “Ginagawa ko lang kung hanggang saan ‘yung kaya kong gawin.”

Kailangan ang liderato ni Lee sa loob na gigiya kina Mark Barroca, Jio Jalalon at Justin Melton para makipagsabayan sa guards ng San Miguel na sina Alex Cabagnot, Chris Ross, Marcio Lassiter at Terrence Romeo.(Vladi Eduarte)