Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Huwag asa sa normal na Pasko

0 103

KASALUKUYANG nakasara ang lahat ng sementeryo at kolumbaryo sa buong bansa dahil sa kautusan ng Inter-Agency Task Force (IATF) upang maibsan ang pagkakahawa-hawa ngayong pandemya.

Ganito kalaki ang mga pagbabago na ating nararanasan at mararanasan pa sa mga susunod na pagkakataon na ilan lamang sa dapat nating ipagsakripisyo para maitawid natin ang mga ganitong pagtitipon ng ligtas.

Sa darating na Nobyembre 4, ay muling bubuksan sa publiko ang mga sementeryo at kolumbaryo na kahit lipas na ay maaari pa rin naman nating gunitain ang Undas na isa sa pinakamahalagang tradisyon sa ating bansa.

Alam natin kung gaano kahalaga ang mismong pagdiriwang ng Araw ng Patay ngunit higit na mahalaga ang ating buhay kaya kailangan nating magsakripisyo ng kaunti para sa ating kaligtasan.

Ihanda na rin natin ang ating mga sarili na ang darating na Kapaskuhan ay tiyak na makararanas tayo ng malaking pagbabago at isa nga rito ang walang ng Christmas party na iniutos na ng IATF.

Maging ang mga Christmas bonus ng mga manggagawa ay nalagay sa panganib at muntik nang hindi maibigay dahil sa pag-iingay ng mga negosyante na kung maaari ay huwag na munang ipatupad.

Ngunit matatag ang paninindigan ng pamahalaan na dapat ay ibigay ang inaasahang 13th month pay ng mga empleyado dahil nakasaad ito sa batas at kung may karagdagang bonus ay depende na ito sa kakayahan ng mga kumpanya na kanilang pinapasukan.

Dahil sa marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng kabuhayan ngayong pandemya ay inaasahang malaking dagok ito sa mga pamilihan ngayong papalapit na ang Kapaskuhan ngunit dahil maparaan ang mga Pinoy ay tiyak na mairaraos natin ang ganitong sitwasyon.

Kanselado na rin ang taun-taong Traslasyon na dinadaluhan ng mga deboto na hinahangaan sa buong mundo dahil sa dami ng mga taong nagsisiksikan para mahawakan lamang ang Poong Nazareno.

Ang Traslasyon na taun-taong pinaghuhugutan ng lakas ng marami sa ating mga kababayan ay pansamantalang hindi muna nila mararanasan dahil nga sa usaping pangkalusugan na posibleng magkahawa-hawa sa COVID-19 ang mga magsisidalo.

Hindi pa napag-uusapan ang darating na Pebrero kung saan ay ipinagdiriwang naman natin ang Araw ng mga Puso ngunit kung mananatiling wala pa rin ang bakuna ay tiyak na maging ang mga okasyon ng mga nagmamahalan ay maaapektuhan.

Alam naman natin na ang mga drive-in hotel at mga restaurant ang pinakaabalang negosyo sa panahon ng Valentine ngunit inaasahang hindi na ito kasing sigla tulad ng dati kung hindi pa rin tuluyang maaalis ang COVID-19.

Pansamantala ay idaos natin ang Undas hindi dahil sa kasayahang dulot nito kung hindi base sa kung paano natin aalalahanin ang mga nasawi nating kaanak at maalayan sila ng panalangin.

Ganoon din sa Araw ng Pasko, higit na mahalaga ang magkakasama-sama tayong ligtas kasama ang ating mga pamilya at ang pananatili nating buhay ay sapat na regalo na upang gunitain natin ang tunay na diwa ng Pasko.

Ganito rin sa mga susunod pang tradisyon at okasyon na hindi dapat umiral ang pagiging materyaloso para maging masaya dahil higit na mahalaga na gunitain ang diwa at kahalagahan nito.

Pansamantala lang naman ito, pasasaan ba at matatapos din ang lahat ng pagsasakripisyo nating ito kaya manatili tayong ligtas at buhay.

Leave A Reply

Your email address will not be published.