Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Huwag balewalain ang pagkabalisa

0 152

Hindi lang iisang tao ang nagsabi sa aking bigla na lang daw silang umiiyak ngayong may pandemya. Walang eksaktong oras. Hindi maipaliwanag ang dahilan. Madalas, magigising sa madaling araw, makakaramdam ng kalungkutan at bigla na lang hahagulgol.

Maging ako hindi rin nakaligtas sa ganitong sitwasyon. Ngayong nasa ilalim pa rin tayo sa quarantine restrictions, may ilang pagkakataon na lagi akong balisa at hindi mapakali. Ayon sa ilang eksperto, senyales ito ng anxiety attacks.

Marami sa atin ang nawalan ng trabaho, nagkasakit, or worst – namatayan ng mahal sa buhay ngayong lumalaban pa rin ang buong mundo sa Covid-19 pandemic. Dahil sa epekto nito sa ating kabuhayan at kalusugan, kung anu-ano ang pumapasok sa ating isip.

Ang masaklap – hindi gaya ng karaniwang sakit sa puso o kanser, invisible o hindi madaling makita ang mental illness tulad na lang halimbawa ng mga taong nagbabalak mag-suicide. Malaki ang kaugnayan ng pagsu-suicide sa estado ng pag-iisip ng isang tao o ang tinatawag na ‘mental health’. Baka isa na sa ating mga kaanak, kaibigan, o katrabaho ang nakararanas na pala ng matinding kalungkutan o depression.

Sa latest data ng World Health Organization o WHO, higit 300M tao sa buong mundo ang nakararanas ng depression. Dito sa Pilipinas, higit 6M Pilipino ang may anxiety at depressive disorders. Pero walang malinaw na bilang kung ilan ang nagsu-suicide dahil sa depression.

Iba’t iba ang maaaring pagmulan ng depression. Kasama na rito ang problema sa pera, trabaho, buhay pag-ibig, pagkapahiya sa harap ng maraming tao, at mababang grades. Posible rin daw na may namanang hormone sa mga magulang kaya madaling ma-depress ang isang tao.

Ang sa akin lang, hindi biro at mabigat sa bulsa ang pagpapagamot ng mga taong may mental illness. Kaya marami ang sinasarili na lang ang nararamdamang sakit at hindi na kumokonsulta sa mga eksperto.

Related Posts

Pero sabi ng mga medical expert, dapat maalis ang ‘negativity’ sa isip ng isang tao. Gawin itong positibo para muling lumaban sa mga hamon ng buhay.

Importante ang self-love. Gumawa ng mga aktibidad na makapagpapasaya sa’yo. Pangalagaan din ang pisikal na pangangatawan na makatutulong para maging malusog ang mental health.

‘Surround yourself with good people’. Layuan muna ang mga taong nega vibes ang hatid sa’yo.

Parte na ng buhay ang stress. Pero dapat ‘learn how to deal with it’. Maglaan din ng ‘quiet moment’ sa iyong sarili. Meditation and prayer can help improve your state of mind.

Huwag mahiyang humingi ng tulong sa taong malapit sa’yo. Mahalagang bukas lagi ang linya ng komunikasyon. Ika nga, huwag mong solohin ang problema. Mas mabilis ang solusyon kung magtutulungan kayo sa pagresolba.

Sa huli, laban ito hindi lang ng mga taong may mental illness, higit lalo ng mga taong tutulong at aagapay sa kanila. Huwag sana tayong magsawang maglaan ng oras at makinig sa mga taong nagpapasaklolo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.