Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Huwag gamol sa gamot

0 59

Matapos ang pagsasaya noong Pasko at Bagong Taon ay stress ang naging pasalubong ng Enero sa maraming Pilipino matapos marami ang nakaramdam ng lagnat, sipon at ubo.

Makalipas lamang ang dalawang araw ay napaulat na nagkaubusan na ng over the counter na mga gamot para sa nabanggit na mga sakit sa maraming drugstrores at maging sa maliliit na botika sa Metro Manila.

Gaya ng dapat asahan, maraming mga kababayan natin ang dumagsa sa mga drugstore para bumili ng kanilang supply dahil sa pangambang maubusan sila ng gagamitin kapag nagkasakit ang isa sa kanilang miyembro ng pamilya.

Dahil sa mataas na demand ng mga gamot gaya ng paracetamol at gamot sa ubo at sipon, madaling naubos ang stocks ng mga drugstore at maging sa mga maliliit na botika at ipinagpalagay ng publiko na mayroon ng shostage o kakulangan ng supply sa bansa.

Agad naman itong itinuwid ng Department of Trade and Industry at sinabing hindi shortage kundi stockout lamang ang nangyari.

Kapag sinabing shortage ay buong bansa ang apektado , pero kapag stockout, ang botika o drugstore lamang sa isang partikular na lugar ang naubusan ng stock.

Nakapag-restock na po ang malalaking drugstores ng kanilang mga gamot kaya hindi dapat na mag-alala ang publiko.

Kung wala mang branded na gamot, mayroon pong generic drugs na pareho rin ang bisa sa mga kilalang gamot na madalas gamitin ng publiko.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Pakiusap lamang sa ating mga kababayan na masyadong nerbiyoso at adelantado at takot na mawalan ng magagamit na gamot, huwag bumili ng sobra sobra sa kailangan.

Hindi masamang maging handa sa mga panahong may magkasakit pero hindi kailangan ang sobra-sobrang gamot, dahil hindi lamang kayo ang anak ng Diyos na mangailangan nito.

Gamitin din ang sentido kumon dahil ang mga gamot na iniimbak ninyo ay mayroong expiration date, sayang ang perang ipinambili at kung hindi nag-imbak ay sana napakinabangan ng ibang nangailangan.

Mas magandang isipin na hindi kayo magkasakit at palaging malusog kaysa paghandaan ang pagkakataon at panahon na kayo ay tamaan ng peligro.

Panahon po ng trangkaso ngayon, at ang naramdamang lagnat, sipon at ubo ay mga sintomas na madali namang gumaling at hindi kailangang magpanic at mamakyaw ng mga gamot na sobra sobra at hindi naman siguro magagamit lahat.

Marami po tayong natututunan ngayong panahon ng pandemya pero ang masaklap ,kahit lagnat-laki lamang iyan, o sinat matapos mabugahan ng masamang hangin ay nagpapanic na agad at mamamakyaw ng gamot na ginagawa din ng iba.

Konting hinahon lang po, huwag masyadong nerbiyoso at huwag isiping baka tinamaan na ng pesteng COVID virus.

Kung nagagawa namang mag-ingat para sa kalusugan, ipagpatuloy yan at kung makaramdam naman ng konting pag-iinit sa katawan , obserbahan iyan dahil baka hindi naman gamot sa botika ang kailangan, baka naman kasi ibang gamot ang lunas diyan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.