Abante Tonite Interactive

Huwag ikahiya ang wika mo

By
698

Agosto na naman — ito ang buwan na ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wikang Filipino; ang buwan na magandang pagkakataon para ipaalala sa ating mga Pinoy na mayroon tayong sari­ling wika bilang isang bansa na hindi dapat ikahiya.

Ang hirap kasi nga­yon, may kababayan tayo na tila ikinahihiya ang kanilang wikang sarili at mas ginagamit ang dayuhang wika na Ingles tulad sa pagpo-post nila ng mga mensahe at komento sa social media.

Akala yata nila, dahil social media ang tawag, mas magiging sosyal sila kung Ingles ang isusulat nila. Pero ang masaklap na katotohanan, marami ang napupulaan dahil barok o kalabaw silang mag-Ingles at mali-mali pa ang baybay. OMG!

Kung gagamit naman ng sariling wika, aba’y tamang salitang Filipino naman sana ang sabihin at hindi iyong barubal na imbento, o iyong tinatawag na ‘siyokoy’ ng Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario.

Ang ‘siyokoy’ na salita na sinasabi ni Almario, pinuno rin ng Komisyon ng Wikang Filipino, ay iyong mga salita na isinalin na wala namang ka­singkahulugan mula sa pinaghiraman na wika na Espanyol o Ingles.

Bagaman sinasabing ‘buhay’ ang ating wika at nakakaimbento ng mga bagong salita sa patuloy na paglipas ng panahon, aba’y huwag naman sanang mag-imbento na ng iba kung mayroon naman tamang salita na puwedeng gamitin.

Isa sa mga dapat na maging magandang halimbawa sa pagpapayaman at pagpapalaganap ng tamang gamit at salitang Pinoy ay ang mga nasa midya at mga propesyonal.

Ilang beses na ba nating narinig sa radyo at telebisyon ang mga reporter at public official na nagsasabi ng ‘mananakay’ para ilarawan ang mga ‘commuter’, gayung ang tama at simpleng gamit dapat ay ‘pasahero’.

Pati nga ang mga hindi pormal na salita na sa kalye mo maririnig tulad ng ‘inginuso’, ‘galawan’, ‘nangingialam’ eh ginagamit sa pag-uulat para maging ‘in’. Samantalang puwede naman nilang sabihin na ‘itinuro’, ‘galaw’ at ‘nakikialam’.

Pero maliban sa tamang gamit ng mga salita at tamang kahulugan, problema rin ang pagbaybay sa ilang salitang Pinoy tulad ng mga ginagamitan ng ‘o’ at ‘u’. Halimbawa nito kung ‘kuryente’ o ‘koryente’ ba, o ‘pulitiko’ o ‘politiko’ ba? Dapat bang espiritu o ispirito?

Sana dumating ang panahon na magkaroon din ng ‘grammar’ at ‘spell’ check sa Filipino sa mga computer gaya nang ginagawa sa Ingles para magabayan ang mga Pinoy lalo ang mga taga-midya kapag nagsusulat ng kanilang istorya.

Hindi kasi maa­sahan pa sa ngayon ang sistemang pagsasalin na ginagawa ng Google na kadalasan ay ‘barok’.

At kahit bentang-benta ngayon ang trabaho sa call center dahil mataas ang sahod pero kailangang mahusay kang mag-Ingles, huwag lang kakalimutan na makipag-usap sa sari­ling wika kapag hindi na ang dayuhang kliyente sa telepono ang kausap.

Nakakahiya naman sa maraming dayuhan na nagpupunta sa Pilipinas na humahanga sa ating wika at mas mahusay pang magsalita ng Filipino kaysa sa mga Pinoy. Samantalang may kababayan tayo na dito naman ipinanganak at lumaki pero utal mag-Tagalog pero slang mag-Ingles.

Sabi nga ng ating kurimaw na pangarap lumaban sa sabayang-bigkasan kahit mag-isa lang siya, hindi nakakahiyang mahina kang mag-Ingles dahil Pinoy ka.

Pero kung Pinoy ka at mahina ka sa sarili mong wika ka, aba’y masahol ka pa sa malansa at bilasang isda na pula ang mata. Igalang ang mga babae, at huwag mang-rape. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”