Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Huwag ilubog ang mga Pinoy sa bisyo

0 57

Waring kulang pa ang paghihirap ng taumbayan sa pandemya dahil sa gitna ng paghihirap na ito, ilulubog pa tayo sa sugal tulad nitong e-sabong na ngayo’y kinahuhumalingan ng ilan nating kababayan.

Kamakailan lamang, ipinasa ng House Committee on Ways and Means ang House Bill No. 10204 na naglalayong bigyan ng 25-taong prangkisa ang isang cockers club para makapagtayo ng mga off-site betting stations sa bansa. Kapag naipasa ito sa ikatlo at pinal na pagbasa ito ang magiging pangalawang licensed e-sabong operator sa Pilipinas.

Ang pagbibigay ng prangkisa para sa e-sabong at iba pang e-gambling ay isinusulong dahil sa P2.8 bilyon kikitain ng pamahalaan mula rito.

Subalit ayon kay dating House Speaker Alan Peter Cayetano, maaari ngang kumita ng milyon o bilyong piso ang gobyerno sa e-sabong pero ang kapalit nito naman nito ay ang libu-libong pamilyang Pinoy na puwedeng mabangkarote at malubog sa utang dahil sa sugal na ito. Kaya naman tinututulan ni Cayetano ang pagbibigay ng 25 taong prangkisa sa online sabong. Bukod kay Cayetano, tutol din sa pagbibigay ng prangkisa sa e-sabong sina Manila 6th District Rep. Benny Abante at CIBAC Party-list Rep. Eddie Villanueva.

Nakakatakot dahil walang regulasyon ang e-sabong at pwede itong ma-access ng kahit na sino, kahit ng mga bata na gustong magsugal online. Sa e-sabong na ito, click lang ay puwede nang magsugal ang sinuman. Hindi na kailangang pumunta ng casino dahil sa harap lamang ng computer o kahit cellphone ay may access na ang isang mananaya.

Nagbabala pa si Cayetano na napakadaling mahikayat ng mga menor de edad lalo na at sa simula’y hindi naman nila pera ang kanilang ipupusta kaya nakakatakot na maging legal at malawakan itong e-sabong. Ipinaalala rin ni Cayetano ang kaso ng 19-anyos na estudyanteng si Erick John Suelto ng Maco, Davao de Oro. Inaresto ang estudyanteng ito matapos pumusta sa e-sabong at matalo ng mahigit kalahating milyong piso. Natural walang pambayad dahil estudyante kaya maagang nasira ang kinabukasan ng kabataang ito. Sinira siya ng e-sabong.

At ngayong determinado ang Kongreso na bigyan ng 25 taong prangkisa ang ikalawang kumpanyang nagsusulong sa e-sabong, ilang Erick John Suelto kaya ang mababalitaan natin sa loob ng darating pang 25 taon?

Ngayon pa lamang ay marami ng buhay ang sinisira ng e-sabong. Sabi nga ng CIBAC Partylist ay nakatanggap sila ng ulat ng apat na kaso ng suicide sa Central Luzon na nag-ugat sa pagkakabaon sa utang ng biktima. Kung matatandaan natin ay meron pang isang pulis na nagawang mangholdap matapos maadik sa e-sabong.

Ilang tao kaya ang maaadik sa online sabong, ilan ang makukulong kapag hindi nakabayad sa natalong pusta? Napakahaba ng 25 taon na planong ibigay ng Kongreso para sa prangkisang hinihingi ng mga nagsusulong sa e-sabong. Ilang buhay kaya ang masisira sa loob ng 25 taong pamamayagpag ng digital gambling na tulad ng e-sabong?

“Let’s not wait for more people to get addicted to gambling and fall into debt. Let’s protect our fellow Filipinos, especially our youth,” pahayag ni Cayetano. Aniya pa, mas maige pa nga ang mga tupada at sabong sa mga bayan-bayan dahil nagagawa itong bantayan ng mga LGUs pero ang e-sabong ay hindi.

Sa gitna ng pandemyang nagpapahirap sa atin, ang kailangan ng taumbayan ay pagpapadami ng mga trabaho na puwedeng magbigay ng pagkakakitaan sa ating mga naghihikahos na kababayan. Hindi dapat mabigyan ng prangkisa ang mga online sugal. Kung dati ay jueteng lang ang kinaaadikan ng masa, ngayon ay madadagdag pa itong e-sabong. Alalahanin sana natin na napakadali na para sa mga kabataan ang mag-online kaya napakadali rin nilang matutunan itong online sabong.

Kaya naman kasama kami sa panawagan ni Cayetano sa taumbayan na pag-aralang mabuti ang plataporma ng mga kandidato para sa 2022 elections. Piliin sana natin ang mga lider na naninindigan laban sa e-sabong at online gambling. Maawa tayo sa bayan natin!

Leave A Reply

Your email address will not be published.