Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Huwag ipasubo ang mga anak

0 130

Laman ng mga balita ang isang dalawang taong gulang na batang kinapitan ng COVID-19 ilang araw matapos ipasyal sa mall ng magulang.

Malungkot marinig ang mga ganitong pangyayari dahil walang kalaban-laban sa mabagsik na virus ang isang bata sa gitna ng patuloy na pananalasa ng COVID-19 sa bansa.

Bagamat nagluwag na ang gobyerno at inilagay sa Alert Level 2 ang Metro Manila at ilan pang lugar, hindi ibig sabihin ay ligtas na ang mga tao sa bagsik ng mapaminsalang virus.

Hindi nagkulang ang gobyerno at mga eksperto sa pagbibigay-paalala sa mga magulang na nananatili pa rin ang banta ng COVID-19 kaya kailangan pa ring mag-ingat para hindi maperwisyo.

Pero tila yata naapektuhan ang pandinig ng ilan dahil sa mahabang sakripisyo sa lockdown sapagkat matapos ianunsiyo ang bahagyang pagluluwag ay tila nagpaligsahan pa ng mga magulang sa pagbitbit sa kanilang mga anak para ilabas at dalhin sa malls at sa mga pampublikong lugar.

Kung matatandaan, ilang linggo na ang nakalipas nang dumagsa ang mga tao sa Dolomite beach sa Manila Bay at karamihan sa mga ipinasyal ay mga bata na ang iba ay hindi pa nakasuot ng face mask.

Katwiran ng mga magulang, sabik na sabik na ang kanilang mga anak na makalabas kaya ipinasyal ang mga ito sa kanila ng babala ng mga eksperto na hindi pa ligtas ang Pilipinas sa bagsik ng COVID-19.

Related Posts

Isang doktor ang nag-post sa kanyang Facebook page ng matinding pag-aalala matapos makita ang mga bata na dala-dala ng mga nanay at tatay sa mga matataong lugar dahil sa posibilidad na matamaan ang mga ito ng COVID-19 na nangyari na nga .

Hindi lamang mga dalawang taong gulang na bata ang isinama sa malls kundi mga sanggol na walang kamuwang-muwang at hindi pa alam kung saang lugar sila dinala ng mga magulang.

Ang mga iresponsableng magulang lamang ang nag-enjoy sa pamamasyal sa mall at hindi ang mga bata at sanggol na dala-dala ng mga ito.

Huwag po nating ipasubo sa panganib at hintaying magkasakit ng COVID ang mga bata dahil lamang sa kagustuhang mailabas ang mga ito.

Paulit-ulit ang paalala ng mga eksperto at mga opisyal ng gobyerno na hindi pa COVID- free ang bansa kaya patuloy na mag-ingat at huwag magmadali na ilabas ang mga anak at ilantad sila sa banta ng COVID-19.

Huwag maliitin ang bagsik na hatid ng COVID-19 pandemic dahil mahigit isang taon na nating nilalabanan ito at kapag minalas na mahagip ng bagsik ng virus , tiyak na malaking perwisyo ito at magsisi man sa bandang huli, lumuha man ng bato ay wala ng magagawa pa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.