Abante Tonite Interactive

Huwag kalimutan ang mga palaboy

352

Nasa ikatlong linggo na ang gobyerno sa pinaiiral na enhanced community quarantine at sa kabi-kabilang buhos na tulong at donasyon mula sa pribadong sektor pati na ang ipinamimigay na pagkain ng mga lokal na pamahalaan ay tila may nakaligtaan ang gobyerno na mas dapat tulungan.

Ito yaong mga taong palaboy o walang sariling tahanan o matuluyan, at kung saan abutan ng dilim ay doon papalipasin ang magdamag.

Habang dumaranas ang maraming Pilipino ng matinding sakripisyo dahil sa limitadong kilos at magagastos sa panahon ng paghihigpit, wala marahil nakaisip kung papaano ang sitwasyon ng mga palaboy sa mga panahong ito.

Hindi lahat ng palaboy ay umaasa sa awa ng ibang tao, ang iba sa mga ito ay nagsisikap kumita sa mga matataong lugar gaya ng pagtitinda ng kung ano-ano maitawid lamang ang isang araw.

Halimbawa dito ang ilang matatandang lolo at lola sa Quiapo at Baclaran na nagtitinda ng supot para may maibili ng pagkain pagsapit ng dilim.

Dahil sa enhanced community quarantine ay nawala ang pag-asa nilang kumita sa isang araw dahil tumigil ang pagtitinda at mangilan-ngilan na lamang ang nagpupunta para mamalengke.

Isang lola ang nadaanan ng isang concerned citizen matapos mapansin ang nakaaawang kalagayan nito sa harap ng isang saradong establisimiyento. Tulala, nanginginig at nangingilid ang luha sa pag-iisip kung hanggang kailan matatapos ang sitwasyon.

Ilang araw nang walang kita ang lola kaya naman tinitipid ang isang matigas ng tinapay na pagkain nito.

Bagamat namigay ng rasyon ng pagkain ang barangay na nakasasakop sa Quiapo, hindi kasali ang pobreng matanda dahil hindi umano ito residente ng lugar at walang permanenteng tirahan.

Ang pagtulong ba sa mga panahong ito ay kailangang may pamantayan? O sadya lang matigas ang puso ng mga nakaupo sa puwesto para sa mga taong sa tingin nila ay walang pakinabang sa komunidad?

Kailangan pa bang ituro ang Department of Social Worker and Development (DSWD) para mag-abot ng tulong kung mayroon namang kakayanan ang barangay na gawin ito sa panahon ng lockdown?

Hindi naman siguro malaking kabawasan sa pondo ng isang barangay kung tulungan ang mga ito kahit sa buong panahon lamang ng paghihigpit dahil sa coronavirus disease 2019.

Hindi lamang sa Quiapo mayroong mga palaboy na higit na naapektuhan ng lockdown kundi sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at sa kabila ng hangarin ng gobyerno na pigilan ang pagkalat ng COVID-19 ay mas higit ang panganib na nakaamba sa mga ito sakaling kapitan ng nakamamatay na virus. Kakalat din ito sa komunidad.

Sana ay magtulungan ang mga local government unit at DSWD para sa mga taong katulad ni lola dahil bahagi pa rin sila ng lipunan at ang kaibahan lamang, hindi sila kasing-palad ng ibang tao.

Tonite – Wendys Inhouse Ad