Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Huwag kalimutan health protocol sa gitna ng kalamidad

0 126

SIMULA nang bagyong Quinta na sinundan ng super typhoon Rolly at ang huli ang ay ang pananalasa ng bagyong Ulysses ay talagang hindi na napahinga ang marami sa ating mga kababayan.

Sa tatlong bagyong nagdaan ay pinakagrabeng nasalanta ang Bicol region na hindi pa man naibabalik ang supply ng kuryente simula nang salantain ng bagyong Quinta ay dalawang magkasunod na bagyo pa ang umatake.

Ngunit dito natin nakita ang kabayanihan ng marami sa ating kababayan na talagang lumalabas kapag panahon ng kagipitan dahil dumagsa ang napakaraming tulong sa Bicol region mula sa iba’t-ibang lugar sa ating bansa.

Dumagsa ang napakaraming bigas , tulong pinansiyal at iba pang relief goods na naging dahilan upang mabilis na makaahon ang ilan nating kabababayan partikular ang mga kababayan nating hanggang ngayon ay nasa mga evacuation area.

Ngayong bagyong Rolly, bukod sa hangin ay nakaranas ng maraming pag-ulan ang halos buong bansa at isa sa grabeng naapektuhan ay ang Metro Manila at mga karatig-lalawigan na karaniwan ay lubog sa tubig.

Muli ay kabi-kabila ang mga rescue operation sa dami nang humihingi ng saklolo at isa sa mga naging abala noong kasagsagan ng bagyong Rolly ay ang ilang motorcycle taxi at mga delivery driver.

Ang grupo ng mga nakamotorsiklong ito ang isa sa agad na rumiresponde sa pagsagip sa ilan nating kababayan partikular sa bahagi ng Marikina at Rizal na napakarami ang nasa panganib ang buhay.

Hindi nila alintana ang lakas ng hangin at ulan basta nakita nila sa social media na humihingi ng tulong ay agad nilang pinupuntahan at kung hindi man nila natulungan lahat ay napakarami din ng kanilang nailigtas.

Lamang ay kitang-kita rin na pansamantalang nakaligtaan ng marami sa ating kababayan na ang banta ng pandemya ay nananatili pa rin sa kabjla nang pag-atake ng bagyo.

Posibleng kalituhan, takot o pagkataranta ang naranasan ng marami sa atin at pansamantala o sadyang kinalimutan muna ang pagsunod sa health protocol dahil iniisip nilang mailigtas muna ang buhay ng isang nangangailangan.

Ngunit nais ko sanang ipaalala na noong nakaraang linggo ay may ilang lugar sa Bicol area na tumaas ng bahagya ang kaso ng COVID-19 matapos ang pananalasa ng bagyong Quinta at Rolly.

Isa sa nakikitang dahilan ay ang pagdagsa ng maraming tao mula sa iba’t-ibang lugar na nagdala ng mga tulong sa maraming evacuation area na mula sa kanilang lugar ay hindi na sumailalim sa ipinatutupad na quarantine period dahil sa kailangan nang maihatid ang tulong.

Marahil ay may mga lugar na kahit paaano ay sinunod ang umiiral na health protocol ngunit marami rin ang pansamantala itong kinalimutan dahil sa kailangan nang maihatid ang mga tulong partikular ang pagkain ng mga bitima ng bagyo.

Ngayon ay heto na naman tayo, matapos tayong salantain ng bagyong Rolly ay kabi-kabila na naman ang kailangang tulungan at hindi masama na ituloy ang ginagawa nating pagtulong ngunit pakiusap na huwag ninyong kalimutan ang ipinatutupad na health protocol.

Dahil kapag muling tumaas na naman ang kaso ng COVID-19 ay tiyak na muling hihigpit at babalik na naman tayo sa napakahirap na sitwasyon na ngayon ay unti-unti na nating ibinabangon.

Dobleng ingat po tayo, dahil paghupa ng sitwasyong ito ay paghahanda sa papalapit na Pasko ang ating isusunod at kung dadaming muli ang mahahawa sa COVID-19 ay napakalungkot na Pasko ang naghihintay sa atin.

Hindi masamang tumulong, huwag mataranta at panatilihin nating ligtas ang bawat isa sa gitna ng pandemyang ito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.