Abante Tonite Interactive

Huwag ma-trauma sa bakuna

By
2,132

Umapela ang Malacañang sa mga magulang na huwag matakot pabakunahan ang mga anak sa harap ng ulat na laganap na ang sakit na tigdas sa ilang mga lugar sa bansa.

Sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque, dapat alisin ang trauma sa isyu ng Dengvaxia vaccine dahil maraming ibang mga ligtas na bakunang ibinibigay ng gobyerno sa mga bata.
Mas malaking banta ayon kay Roque kung hindi maturukan ng bakuna ang mga bata sa pag-iwas ng mga magulang dahil sa epektong dulot ng umano’y depek­tibong dengue vaccine.

“Ang aming pakiusap sa mga nanay, sa mga tatay, ituloy ninyo po iyong iba pang mga bakuna dahil napakatagal na naman nating ginagamit iyong ibang bakuna. Kapag hindi ninyo po itinuloy iyong mga bakunang iyan, mas malaking banta po ang mangyayari sa kalusugan ng inyong mga anak. Mas masama po kung hindi natin pababakunahan ang ating mga sakit. Gaya nga po ng measles, dati halos wala na iyan, nga­yon po ay dumadami na naman ang mga measles outbreak,” ani Roque.

Bagama’t wala pang opisyal na resulta sa imbestigasyon ng gobyerno sa peligro ng Dengvaxia vaccine, natatakot ang ilang mga magulang na ipabakuna ang kanilang mga anak dahil na rin sa ilang batang namatay sa itinurok na anti-dengue vaccine.