Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Huwag mag-panic!

0 193

Araw-araw tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit dahil sa Covid19. Halos mag sampung libo kada araw ang nadidiskubreng positibo. Napakadami na din ng lumalala ang mga sintomas ngunit hindi makapunta sa mga ospital dahil wala nang lugar para sa mag Covid cases at ang mga gamit ay nauubos na. Ang mga nagkakasakit sa kalakhang maynila ay umaabot na sa Pampanga, Laguna at Batangas, makakuha lang ng medikal na atensyon at ma-admit.

Kung kaya’t nailagay na naman ang NCR, pati na ang mga karatig na bayan at probinsiya gaya ng Bulacan, Rizal, Cavite at Laguna sa Enhanced Community Quarantine o ECQ. Hinabaan ang oras ng curfew, naglagay ng mga checkpoints para pili lang ang pwedeng makalabas, gaya ng mga essential workers at talagang mga nangangailangan lang lumabas, katulad ng mga pangyayari isang taon na ang nakalipas.

Sa gitna ng lahat ng ito, pakiusap lang natin ay huwag mataranta. Huwag mag Panic!

Huwag pong magkagulo sa mga groceries, palengke at botika para makabili ng mga pagkain, gamit, o gamot. Hindi malayong makikipagsiksikan lang sa bibilhan, ang kalalabasan ay baka mas mahawa pa dahil dito. Tingnan muna sa bahay kung sapat ang mga pangangailangan, dahil kung kaya pa naman mairaos ng ilang araw o linggo, ipagpaliban na lang muna ang paglabas. Kung kinakailangan, baka mas makatuwiran pa na mag-online na lang para bumili ng kinakailangan at ipadeliber na lang sa bahay.

Huwag kalimutan idisinfect ang mga ito pagpasok o mas mainam bago ipasok sa inyong mga bahay.

Kung kakayanin, magpalista na sa inyong mga syudad para makapila na sa pagbakuna laban sa sakit na ito. Kung sakali naman na may maramdaman, at ito ay hindi mawala ng isa o dalawang araw o bago pa lumala, kumunsulta na sa inyong doktor. Napakadaming doktor na nagsasagawa ng mga teleconsults para hindi na kinakailangan pumunta ng ospital.

Related Posts

Kung mamarapatin, mag pa RT PCR swab test na kahit hindi sigurado kung nagkaroon ng contact sa may Covid-19. Kung ito ay positibo, huwag din magpanik. Ang napansin natin ngayon, oo mas nakakahawa at pamipamilya ang naaapektuhan, ngunit, mas madami naman din ang gumagaling, maagapan lang na huwag lumala ang mag sintomas.

Kinakailangan ma isolate at magquarantine. Ipaeksamin din hindi lang ang mga kapamilya, kundi lahat ng mga kasama sa bahay. Maaaring kasama sa mga payo ng inyong doktor ay magpahinga, mag hydrate o uminom ng madaming tubig, kung kinakailangan ay maaaring dagdagan ng oresol o oral rehydration solution nang hindi bumagsak ang electrolytes.

Kasama din ang paggamot ng mga sintomas gaya para sa sakit ng ulo, kasukasuan at lagnat. Mag-inhale ng sodium chloride spray. Idagdag ang mga supplements gaya ng vitamin C, D3, B complex, zinc at magnesium at huwag din kalimutan magdasal.

Ngayon ang panahon na dapat tayo ay magkaisa, walang ibang makakatulong sa atin kung hindi tayo din. Let us do our share. Huwag kalimutan ang face mask, face shield, social distancing at magdisinfect. Makakaraos din tayo dito.

Hanggang sa susunod! Keep healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.