Abante Tonite Interactive

Huwag makinig sa alingawngaw ng mga ulutan

383

Magandang sabong mga klasmeyt.

Medyo hindi maganda ang resulta ng pagsasabong namin noong Sabado, taga-ulot lang tayo at tagabitaw.

Hawak ko noong una ‘yung medyo may katangkaran na panlaban pero bandang huli ay ‘yung kursunada ko nang manok ang hawak ko.

Ang kaso, halos konti na lang ang manok kaya pitpitan na ang ulutan.
Sa madaling salita, marami nang urot at malalakas mangantiyaw para lumaban kahit alanganin.

Sa totoo lang, hindi ko kursunada ‘yung match ng manok namin.

Ayaw ko talaga dahil nalalakihan ako at maanghang ang itsura, kaya lang ‘yung kaibigan ng may-ari ng manok na hawak ko ay ipinipilit na pumayag ako at sabi niya na puwede na ‘yan.

Kahiyaan kaya sumige na ako. Ayun, paglaban, angatan sa ere at nakauna ‘yung amin pero hindi i­ninda, at nang bumawi ang kalaban eh groge ang manok namin.

Resulta, labas pitaka kami!
Saka ko naisip, ako ang may hawak ng manok kaya desisyon ko kung lalaban ako o hindi.

Puwera na lang kapag may-ari ang nagsabi ng ‘Laban’ kaya ang natutunan ko pagkatapos kong magmuni-muni ay kahit kaibigan pa siya ng may-ari kapag hindi siya kasama sa grupo, wala siyang power para magsabi kung sino ang gusto niyang labanan.

Bawi na lang sa susunod.
***
May 2-Cock Derby ngayong araw sa Angeles Cockpit Arena sa Angeles City baka gusto ninyo mag-trabisya. Good luck!