Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Huwag maniwala sa pangako ng mga politiko

0 58

Nag-umpisa na ang pag-init ng pulitika sa bansa isang linggo matapos isara ng Commission on Elections (Comelec) ang pagtanggap ng substitution sa mga humabol na kandidato para sa 2022 elections.

Halos hindi pa nakakahinga ang mga kandidato para sa mga susunod na gagawin ay may ilan na sa mga ito ang tila nagpapakitang-gilas na at nangangako ng mga gagawin kapag sila ang pinili ng mga botante sa darating na eleksiyon.

Marami ang natuwa at marami rin ang natawa dahil bistado namang pangako lang ito ng mga tradisyunal na mga pulitiko pero hindi naman talaga nagagawa.

Ilang eleksiyon na bang pinapangakuan ng mga kandidaro ang mga botanteng Pinoy pero kapag nakaupo na sa puwesto ay kasamang naibaon sa limot ang mga ipinangako noong nangangampanya pa ng mga ito.

Mayroong mga napapaniwala, pero mas marami na ngayon ang namulat at nagising sa katotohanan na ang mga pangako sa panahon ng kampanya ay hindi talaga natutupad lahat.

Ang sabi nga ng isang political analyst, hindi totoong nagagawa ng mga kandidato ang mga ipinangako noong nangangampanya pa ang mga ito dahil hindi naman madaling gawin ito kapag nanalo na sa halalan.

Gaya na lamang aniya ang pangakong pabahay na hindi naman instant na naibibigay ito sa mga walang bahay pagkatapos ng eleksiyon dahil may mga prosesong pagdadaan ang pagpapatayo ng mga bahay.

Matatapos na lang ang termino ng nangakong kandidato ay walang naipapatayong pabahay.

Natatawa din ako sa pangako rin ng isang kandidato na kapag siya ang nanalo at pinagtiwalaan ng boto ay mawawala na umano ang mga squatter sa bansa, susme!

Ilang presidente na ang nagdaan pero ang problema sa informal settlers ang hindi nalutas-lutas.

Hindi ba’t may nangako rin na aalisin na ang endo sa mga arawang manggagawa pero hanggang ngayon sa awa ng Diyos ay naririyan pa rin ang problema ng mga trabahor at bago sumapit ang ika-anim na buwan sa trabaho ay kakaba-kaba na ang mga ito dahil wala na naman silang mapagkakakitaan.

Ano pa kayang mga pangako ang bibitiwan ng mga kandidato ngayon para sa taongbayan?

Sana ay maging mapanuri at matalino ang ating mga kababayan sa pagkilatis sa kanilang mga iboboto kapag mayroon ng debate ang mga kandidato dahil dito makikita at malalaman kung mayroong kaalaman at kakayahan o wala ang isang pulitiko na naghahangad ng puwesto sa gobyerno.

Huwag po tayong magpadala sa matamis na dila ng mga pulitiko, timbangin kung mayroon silang kakayahan para tulungan ang mga Pilipino o kaya ay para lang sa kanilang sariling interes kaya kumandidato para sa darating na eleksiyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.