Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Huwag masilaw sa kuwarta ng mga kandidato

0 110

Dalawang linggo matapos ang paghahain ng kandidatura ng mga tatakbo sa 2022 elections ay nagsimula ng magparamdam ang ilang mga kandidato sa pamamagitan nang paglilibot sa iba’t ibang lugar aa bansa.

Sa kabila ito ng hindi pa opisyal na pagbubukas ng election campaign para sa lahat ng mga kandidatong nas makapuwesto sa gobyerno sa susunod na taon.

Sa madali’t sabi, hindi pa ito panahon ng kampanya pero may mga kandidato ng panay ang ikot sa mga lalawigan, nagpapakilala na at namumudmod ng pera.

Batid naman ng mga pulitikong ito na maihahalintulad ito sa “vote buying” o pagbili ng boto na labag sa batas at sa panuntunan ng Commission on Elections (Comelec) pero ayaw magpapigil dahil sa marubdob na hangaring masungkit ang pinaka-mataas na puwesto sa gobyerno.

Kahit pa ikatwirang dati naman itong ginagawa bilang pamamahagi ng tulong sa mga nangangailangan, iba ang pananaw dito ng mga tao lalo na ngayong nalalapit na ang eleksiyon at inaasam ang mas mataas na puwesto.

Pero agad namang nilinaw ng COMELEC na magiging epektibo lamang ang panuntunan ng komisyon sa vote buying o pamumudmod ng pera sa sandaling nagsimula na ang campaign period sa February 8,2022 para sa national positions, habang March 25 naman ang umpisa ng kampanya sa lokal na mga posisyon.

Sige, sabihin ng lusot ang pulitikong ito dahil hindi pa opisyal na nagsisimula ang kampanya pero hindi pa rin magandang tingnan na ang pamumudmod ay ginagawa sa isang mahabang pila, at pagdating sa dulo ay naroon ang tila poon na nag-aabot ng pera isa-isa sa mga tao.

SM food to go Banner Ad

Tila ba maagang namamasko ang mga tao, pinapila at pagdating sa dulo ay naroon si santa klaus para siya mismo ang mag-abot ng pamasko.

Sana lang, ang mga ganitong aksiyon ng ilang politiko ay hindi gawing batayan ng mga botante para ilagay sa balota ang pangalan pagdating ng halalan.

Dapat piliin ng mga tao kung sino ang inaakalang karapat -dapat at may kakayahang magpatakbo sa bansa at hindi dahil sa marami itong pera.

Mababaw lamang ang kaligayahan ng ilang mga Pilipino pero huwag sanang silawin ang mga ito ng kakarampot na salapi kapalit ang inaasam na boto.

Mag-ingat tayo kaibigan, hindi sagot ang perang ipinamumudmod kapalit ng anim na taon sa puwesto ng walang kasiguruhan.

Maging matalino sa pagpili ng kandidatong magpatakbo at mangasiwa sa bansa; dapat may kakayahan, malawak na karanasan at higit sa lahat dapat alam kung paano itaguyod at ibangon ang buhay at kinabukasan ng mga Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.