Abante Tonite Interactive

Huwag munang husgahan si Kiefer

By
1,942

Sumabog ang balitang bumagsak sa isang drug test si Kiefer Isaac Ravena nang matalo ang Gilas Pilipinas sa Australia Boomers, 84-68, sa umpisa ng window 2 ng 2019 FIBA Cup Asian Qualifiers sa Margaret Court Arena sa Melbourne, nitong Pebrero 22.

Pero kahapon lang pumutok ang balita dahil nga sa may katagalang proseso ng tungkol sa pagsusuri sa droga para sa mga atleta kada tapos ng mga sinasalihan nilang palaro, mapa-Summer Oympic Games, Winter Olympic Games, Asian Games, South Asian Games atbp.

Natakot pa nga ang mga opisyal ng ­Sa­­m­a­­hang Basketbol ng Pilipinas (President ­Alfredo Panlilio at Exe­cutive Director Renauld Barrios) at Philippine Basketball Association (Commissioner Wilfredo Marcial­) sa paghahayag sa k­aganapan.

Kaya ang mga ka­sama namin walang pinangalanan kung saan nagbuhat ang pahayag. Mga impormante lang ang tinukoy.

Agad namang nagpahayag ng suporta ang kakampi niyang si Terrence Romeo kay Ravena, mga dating manlalaro rin ang mga magulang na sina Ferdinand Ravena, Jr. (PBA player) at Mozzy Crisologo Ravena (national volleyball player).

Magandang indikasyon ito. Dahil baka may nainom lang na gamot at hindi sinasad­yang gawin ni Ravena ang pagpositibo niya sa bawal na droga.

Hindi ko kilalang personal si Kiefer. Pero nang minsang pagawan siya sa akin ng artikulong panglathalain, magalang at naging maayos naman ang panayam ko sa kanya maski sa telepono lang sa tulong ng kanyang ina.

Iyon ay sa kabila nang napakaabala na rin niya noon. Lalo sa mga taping pa nga siya sa TV. Pero naisingit ng mom niya ang interbyu ko sa basketbolista.
Isa lang ang bagay na ito na masasabi kong propesyonal at mabait ang nakababatang ­Ravena.

Kaya sa mga kasama pa niya sa national team at maging sa PBA, wala munang huhusga sa kanya. Maging kami rin sa sports media.
Pero aabangan po natin ang katotohanan at kahihinatnan nito.

****

Good luck sa aking Manuel A. Roxas High School classmate na si Joel P. Ting na sasabak sa 2018 Century Tuna Ironman Philippines, isang 3.8 km Swim, 180km Bike, 42km Run Race sa Subic Freeport Zone sa Hunyo 3.