Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Huwag nang papabudol

0 81

“We are only as strong as we are united, as weak as we are divided.”

~ J.K. Rowling

Sa ating kasaysayan, kailanman ay hindi naging matagumpay ang magagandang hangarin para sa bayan.

At ang pinakamatinding hadlang dito – ang patuloy na pagkakawatak-watak ng mga Pilipino.

Resulta marahil na ang bansa natin ay binubuo ng mga isla kaya nagkaroon tayo ng magkakaibang kultura, tradisyon, dialekto at paniniwalang relihiyon.

Sa mumunting bagay lamang, di ninyo ba napapansin na nagiging mapaghamon ang lahat at nauuwi sa matinding away at alitan sa huli.

Ang pagkakawatak-watak ng mga Pilipino ang sinasamantala naman ng ilang nasa kapangyarihan at may sobra-sobrang salapi.

Mas watak, mas madaling paikutan. Mas madaling pasakayin sa mga mapanlinlang na pangako kapag hindi buo.

Mapapansin mo sila na dinadaan sa kuwento ang pag-uudyok ng di pagkakaunawaan. Sila ang nagpapalutang ng mga intrigang layong paghiwalayin ang mamamayan.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Matagal nang istratehiya ito sa larangan ng politika kilala bilang ‘divide and conquer’ o ang sistema ng pagpapanatili ng kontrol sa mga nasasakupan o mga kalaban ng isang tao sa pamamagitan ng paghikayat sa hindi pagkakasundo sa pagitan nila. Mas mahina, mas madaling maipilit ang kagustuhan ng iisang tao.

At sa modernong panahon, lumikha pa ng mga ‘troll farm’ na magiging katulong ng isang namumuno para mapanatili ang pagkakawalay ng kanyang nasasakupan.

Napakadaling manatili sa kapangyarihan dito sa Pilipinas, pag-awayin mo lamang ang iyong mamamayan. At habang abala sa pakikipag-away, unti-unti nang naiimplementa ang mga makasariling hangarin ng walang kahirap-hirap.

Napakadali ring buwagin ang sistemang ‘divide and conquer’ kung magiging mas matatag at nagkakaisa ang isang panig.

Unti-unting magagapi ang panlilinlang at kasinungalingan.

May lakas sa pagkakaisa. Ang isang walis tingting kapag nakabugkos ay masakit ipalo kaysa kung ito ay magkakahiwalay.

Kaya sa darating na eleksyon2022, magbugkos ang mga Pilipinong na naghahangad ng totoong pagbabago. Ipakita ang lakas ng pagkakaisa at patunayang hindi na kayo mabubudol pa. Iparamdam na sapat na ang mga pangakong napako at di na paloloko pa.

Gisingin ang natutulog na damdamin at walang takot na harapin ang mga tao nagpa-plano ng masama para sa bayan.

Walang Personalan. 😎

Leave A Reply

Your email address will not be published.