Abante Tonite Interactive

Huwag pagdusahin ang inyong mga kustomer

By
0 116

Mahabang pasensya at pagtitiis pa umano ang kailangang bunuin ng mga residente sa ilang bahagi ng Metro Manila dahil sa inaasahan pang krisis sa supply ng tubig bunsod ng patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa La Mesa Dam na siyang pinagkukunan ng suplay ng Manila Water.

Sa pinakahuling pagbasa sa lebel ng tubig sa La Mesa Dam kahapon, lumitaw na malapit na itong umabot sa critical level na 69.35 meters above sea level (masl) na mas mababa sa 80.15 masl spilling level nito noong Marso 7, 2019.
Ayon sa mga hydrologist ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), hindi maiiwasan ang pagbaba ng antas ng tubig sa La Mesa Dam dahil sa kawalan ng pag-ulan.

Sinabi ni Jeric Sevilla Jr., head ng Manila Water corporate communications, na posible ring maranasan ng mga kostumer ng Manila Water ang kawalan o paghina ng tubig sa kabuuan ng tag-init.

Gayunman ay inamin ni Manila Water Chief Operating Officer (COO) Geodino Carpio na posibleng hindi nararanasan ng mga costumer nila ngayon ang krisis sa tubig kung napalakas nila habang maaga ang Cardona treatment plant sa Cardona, Rizal.

Aniya, inaasahang makakakuha ito ng mula 100 milyong litro ng tubig kada araw na sasapat para matakpan ang kakulangan nila sa supply.

Gayunman, nabi­binbin umano ito dahil sa kapalpakan ng mga contractor.

Bukod sa mali umano ang disenyo ng discharge pipe, may mga rock formation pa sa paligid na hindi pa natutukoy kung ano ang nasa ilalim nito.

Ibinunyag naman ni Carpio na pareho nilang hinihintay ng Maynilad ang pagbubukas ng Kaliwa Dam na inaasa­hang makapagbibigay ng karagdagang 600 milyong litro ng tubig kada araw para sa Metro Manila.

Ang masaklap tinututulan ng mga residente ng lalawigan ng Quezon gayundin ng mga environmental group ang konstruksyon nito dahil sa magiging negatibo umanong resulta sa kapaligiran at kanilang kaligtasan.

Ang P12.2 bilyong proyektong ito ayon kay MWSS administrator Reynaldo Velasco ay nasa final stage na ng engineering design ang konstruksyon.

Ang daming lumalabas na kuwento sa likod ng nangyaring krisis sa tubig ang atin na lamang panawagan ay matapos na sana ito dahil nagbabayad naman ng tama ang inyong mga kostumer para pagdusahin ninyo.