Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Huwag tayo ingrato sa China – Palasyo

0 116

Pinawi ng Malacañang ang mga agam-agam ng publiko sa posibilidad na malubog sa utang na loob ang Pilipinas sa China.

Kasunod ito ng naging pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na tumatanaw ng utang na loob si Pangulong Rodrigo Duterte sa China dahil nakahanda silang tumulong sa oras ng pangangailangan, katulad ng mga donasyong bakuna laban sa COVID-19.

Patunay aniya dito ang interes ng Pangulo na salubungin sa airport kapag dumating na ang mga bakunang donasyon ng China.

Sinabi ni Roque na ipinaglalaban ng bansa ang dapat na ipaglaban katulad ng isyu sa mga inaaangking teritoryo sa West Philippine Sea, pero hindi aniya ingrato ang mga Pinoy.

“Hindi po ganoon ang Pilipino. Ipaglalaban natin ang dapat ipaglaban pero hinding-hindi tayo magiging ingrato,” ani Roque.

SM food to go Banner Ad

Wala aniyang epekto sa ibang isyu sa China ang pagtanaw ng utang na loob sa mga donasyong bakuna dahil mayroon namang umiiral na bilateral relations ang Pilipinas at China.

Inaasahan ng Malacañang na darating sa loob ng linggong ito ang Sinovac vaccine mula sa China matapos mabigyan ng Emergency Use Authority (EUA) ng Food and Drugs Administration (FDA).

“Inaasahan natin na bago matapos ang buwan na ito, sa Linggo ay narito na ang Sinovac dahil ang pangako po ng gobyerno ng Tsina, three to five days matapos mabigyan ng EUA ay makakarating na ang bakuna rito,” ani Roque.

Sa panayam naman sa telebisyon, kinumpirma ni Sinovach Biotech general manager Helen Yang na hinahanda na ang pagdeliber ng unang batch ng mga bakuna nila para sa Pilipinas at inaasahang darating ito ngayong linggo. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.