Abante Tonite Interactive

I-flex ang galing ng mga Pinoy

184

Kahanga-hanga ang pangunguna ng mga ­atletang Pinoy sa ­ongoing 30th Southeast Asian Games.

Kaya naman na-ins­pire ang mga senador na isulong ang paglikha ng Philippine High School for Sports na isinusulong ni Senator Christopher Bong Go.

Sa bill, itatatag ang Philippine High School for Sports kasama ng pagdiskubre sa ­kabataan na may potensiyal sa ibat ibang larangan ng palakasan.

Bukod dito, sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate committee on basic education, hindi masasayang ang New Clark City dahil ito ang pangunahing venue ng training at baka roon din itatayo ang Philippine High School for Sports.

Sa pagtaya ni Gatcha­lian, P1 bilyon ang pondong ilalaan sa Department of Education para sa itatatag na Philippine High School for Sports.

Kung kakayanin, sabi ni Gatchalian, puwede itong isama sa tinatalakay na 2020 General Appropriations Bill ng bicame­ral conference committee.
Gusto naman ni Senator Manny Paquiao na magtayo ng mga sports center sa iba’t ibang ­rehiyon ng bansa.

Sa panukala ni ­Paquiao, kung may mga modernong sports center sa mga probinsiya, mas madali ang training ng kabataan sa kanilang mga lugar sa halip na bumiyahe ang mga ito para sa kanilang training.

Dapat tiyakin na hindi iiral ang palakasan sa pagpili ng mga mag-aaral na mapapabilang sa itatatag na Philippine High School for Sports at ‘yun talagang may potential ang kunin.

Sa totoo lang, malalim ang bench ng Pilipinas sa mga future athlete kung bibigyan lang ng seryosong training ang kabataan na mahilig sa iba’t ibang sports.

Sa kabila naman ng magandang performance ng Team Philippines, isusulong pa rin ng Senado ang audit sa P6 bilyong pondo na inilaan para sa pagiging host ng Pilipinas ng SEA Games.

Sabi ni Go, chairman ng Senate committee on sports, kailangan ­ma-audit ang bawat ­sentimo dahil ito ay pondo ng taumbayan.