Abante Tonite Interactive

I-trade kung ayaw na ng manlalaro sa kanyang koponan sa PBA

By
2,984

Marahil lahat tayo ay nabalitaan ang big­laang ‘di pagsipot ni Calvin Abueva sa mga ensayo at laro ng Alaska.

Pumirma siya ng Uniform Players Contract sa Alaska, at sa akin lang, ito ay dapat respetuhin niya kasi siya ay isang ‘professional’ na basketball player.

Hindi siya amateur, siya ay isang professional na marunong sumunod at rumespeto sa kontrata na nilagdaan niya.

Maaaring matindi ang pinagdadaanan niyang personal na mga problema sa bahay, pero hindi dapat ito makaapekto sa kanyang paglalaro sa kanyang koponan, na medyo biglang nagkaroon ng sunod-sunod na talo sa huling mga laro nila.

Talagang maapek­tuhan ang koponan kung ang star or franchise player nila ay hindi makakapaglaro.

Ngunit nakita natin na nag-ensayo si Calvin sa Gilas. So may problema siya sa kanyang koponan.

Ang mga koponan sa PBA ay gumagastos ng milyon-milyon sa kanilang mga manla­laro at sa pag-maintain ng team.

At ang kapalit nito ay magkaroon ng magandang ‘showing’ sa torneo. Ngayon, kung sila ay gumagastos, at naging talunan sa PBA, mag-iisip sila kung tatagal pa sila sa PBA or tuluyan na silang kakalas.

Sa pagsali ng isang koponan sa PBA, maraming benipisyo ang koponan, katulad ng pinag-uusapan ‘yung kompanya or produkto ng mga tao, nalalagay sa dyaryo ang pangalan ng koponan or produkto, nababangit ang koponan at produkto sa TV at radio, at lahat ito ay may halaga at importante sa isang kompanya na sumasali sa PBA.

Ngayon kung puro negatibo ang lumalabas na istorya tungkol sa isang koponan, may problema.

Kung nag-aabsent ang isang manlalaro sa ensayo or kung inaaway na ng manlalaro ‘yung coach, katulad noong nangyari sa isang PBA team, na napanood natin lahat sa telebisyon, pagka­tapos ng sigawan sa TV, after 2 weeks, umalis at lumipat na rin yung manlalaro sa ibang koponan.

Ito ay mga senyales na ayaw na maglaro ng player sa kanyang dating koponan.

Malamang, aalis na rin si Abueva sa kanyang koponan. Maraming kaso na ganito na nangyayari sa iba’t ibang koponan, dahil sa walang playin­g time, maliit ang suweldo, hindi sapat na benepisyo, etcetera.

Ang advise ko lang sa mga manlalaro ay puwede naman itong pag-usapan. Katulad ni Calvin, puwede naman niya kausapin ang manager or coach, at malay ninyo, magkaayos pa rin sila or kung wala nang pag-asa, hanapan na ng mga trade option.