Abante Tonite Interactive

Iba ang Duterte magic

353

Ano nga bang mahika meron si Pangulong Rodrigo Roa Duterte?

Kung ang mga dilawan ang tatanungin, sasabihin nilang kung may mahika si Digong, tiyak na black magic ito dahil umpisa ng third quarter ng taong 2017 ay bumabagsak na ang kanyang popularidad hanggang 2018. Halos sumadsad na nga ang kanyang popularidad dahil mula sa +70% noong 2016 ay umabot ito sa +45% noong 2nd quarter ng 2018.

Ang pagbaba ng popularidad ni Digong ay kaalinsabay ng sangkatutak na mga problema ng bansa tulad ng pagsirit ng halaga ng petrolyo, taas-presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas, gulay, isda, mga de-lata at iba pa.

At pagpasok naman ng 2018, lalo pang tumaas ang presyo ng petrolyo dahil sa excise tax.

Nagkaroon pa ng iba’t ibang krisis tulad ng kakulangan sa bigas, krisis sa tubig at nagkasunud-sunod pa ang mga malawakang brownouts.

At waring hindi pa sapat ang mga pahirap na ito, mistulang dinagdagan pa ni Duterte ang kanyang problema dahil pati ang Diyos ay kanyang tinawag na ‘stupid.’

Related Posts

Patay na kuko

Ang statement ni Duterte na “God is stupid” ay hindi lamang ikinabigla ng mga opisyales ng simba­hang Katoliko kundi ng buong sambayanang Pilipino.

Bagama’t pagpasok ng 3rd quarter ng 2018 hanggang sa 1st quarter ng 2019 ay nakarekober ang popularidad ni Duterte dahil mula sa +45% ay umangat ito sa +54%, iisipin mo pa rin na baka hindi ito makasapat para maipanalo ni Digong ang kanyang mga inendorsong kandidato.

Sa dami ng mga problemang bumayo sa administrasyon, hindi masisisi na makasilip ng kaunting pag-asa ang mga kalaban ni Duterte. Pero hindi nga ito nangyari dahil base sa resulta ng katatapos na eleksyon, nanalo pa ang mayorya sa mga kandidato ni Digong lalong-lalo na sa Senado.

Walang kahirap-hirap na nakalusot ang mga inendorso ni Digong na mga bagito sa Senado na sina Bong Go, Gen. Ronald “Bato” De La Rosa at Francis Tolentino. Panalo rin ang mga re-electio­nist na sina Senators Cynthia Villar, Koko Pimentel at Nancy Binay. Habang ang Otso Diretso ng oposisyon ay tuluyan nang pinulot sa kangkungan.

Sa panalong ito, napatunayan na naman ni Digong na hindi pa kumukupas ang kanyang karisma.

May mahika nga ba si Digong o sadyang ramdam ng masa na sa kabila ng kanyang mga pagmumura, naroon ang sinseridad, naroon ang tunay na pagmamahal at pagmamalasakit. Baka ito ang tunay na magic ni Digong.