Abante Tonite Interactive

Iba ang may pinagsamahan!

362

Rey Marfil

Malaki ang pasasa­lamat ng mga Pilipino sa mga mangingisdang Vietnamese na tumulong sa 22 mangingisdang Pinoy na nanganib ang buhay sa laot ng Recto Bank matapos banggain at halos palubugin ang bangka nila ng mas malaking bangka [na halos barko na] ng mga Tsino.

Kung tutuusin, hindi kataka-taka ng ika nga eh may malambot na puso ang mga Vietna­mese sa mga Pinoy [lalo na sa mga mangingisda] dahil sa ginawang pagtulong sa kanila ng Pilipinas noong panahon na magulo pa sa kanilang bansang Vietnam dahil sa digmaan.

Maraming mga Vietnamese ang umalis noon sa kanilang bansa, sumakay ng mga bangka at napadpad sa Pilipinas. Ang iba sa kanila na nakitang nagpapatangay na lang sa alon, sinagip ng mga mangingisdang Pinoy.

Tinanggap naman sila ng Pilipinas bilang mga refugee at mayroon mga nanirahan sa Morong, Bataan at Puerto Prin­cesa, Palawan. Matapos ang kaguluhan sa Vietnam, nagbalikan na doon ang ibang Vietnamese na namalagi sa Pilipinas.

May ilan na nakara­ting sa ibang bansa tulad ng Amerika, at mayroon din naiwan sa Pilipinas dahil nakapag-asawa ng mga Pinoy. Sa pagkakaalam natin, wala nang naninirahan sa itinayong Vietnamese village sa Bataan, pero sa Palawan ay may ilan pang naiwan.

Bagaman dapat naman talagang tulungan ng mga mangingisda ang mga kapwa nila mangingisda na malalagay sa peligro ang buhay sa laot [kahit ano pa ang nasyunalidad niya], nararapat pa rin naman sigurong ipabatid ng ating pamahalaan ang pasasalamat sa mga Vietnamese na sumagip sa 22 nating kababayan.

Kung hindi kaagad nasagip ang mga kababa­yan natin, maaaring hindi sila mamatay sa pagkalunod pero madadale sila ng sobrang lamig ng gabi o hypothermia. Kung namatay ang mga mangingisda, naku po, tiyak na mas malaking sakit ng ulo ng pamahalaan.

Aba’y ngayon nga na buhay ang 22 ma­ngingisda eh tila hindi yata magkasundo ang mga opisyal natin kung papaano papayapain ang galit ng mga Pinoy na nakikisimpatiya sa mga kababayan nating mangingisda. Kasi naman, matapos ang matatapang na pahayag ng mga opisyal nang unang naibalita ang insidente, biglang nagbago ang simoy ng hangin nang sabihin ng China na hindi sadya ng mga kababayan nila ang pagkakabangga sa mga Pinoy.

Ang matindi, may paliwanag pa raw ang mga Chinese na plano raw kasi silang kuyugin ng mga mangingisdang Pinoy na sakay ng pitong bangka kaya sila tatakas. Sa kanilang pag-alis, natamaan nila ang isang bangka ng mga Pinoy na nasira at halos lumubog kaya natapon ang mga huling isda. Hindi rin daw nila basta iniwan ang mga naaksidenteng Pinoy dahil nakita raw nilang tinulungan na raw ito ng ibang mangingisda.

Malayo ito sa kuwento ng mga biktimang Pinoy na sadya silang binangga, inilawan pa ng mga Chinese at saka tuluyang umalis. Kung nagsasabi ng totoo ang mga Chinese na kukuyugin sila ng pitong bangka ng mga Pinoy, bakit mga Vietnamese ang tumulong sa kanila at hindi mga kapwa Pinoy?

Ang matindi, dati na palang ginagawa ng mga Chinese ang pagbangga sa maliliit na bangka ng mga Vietnamese sa nakalipas na mga taon. At sa ilang insidente, inaakyat pa raw ng mga Chinese ang mga nasirang bangka ng mga Vietnamese bago lumubog para kunin ang mga mapapakinaba­ngan nila tulad ng mga gamit at mga nahuhu­ling isda.

Mangingisda ba talaga ang bumangga sa mga Pinoy at mga Vietnamese o mga ‘piratang’ militia ng China? Nasaan na nga ba ang bangkang ito?

Hirit ng isa nating kurimaw, hindi raw kaya ito ang pakay ng mga Chinese na bumangga sa mga mangingisdang Pinoy kaya pinuntirya nila ang dulong bahagi ng bangka para hindi kaagad lumubog? Iyon din kaya ang dahilan kaya inilawan muna nila ang bangka para tingnan kung puwede nila itong pagnakawan bago sila umalis?

Sabi ng ating kurimaw, dapat salpakan muna ng isda ang bibig ng ibang opisyal at tigilan ang kakadaldal na ‘hindi sadya’ at ‘simpleng aksidente’ lang sa dagat ang nangyari at huwag palakihin. Kasi naman, wala pa palang pormal na imbestigasyon pero tila nagbibigay na sila ng konklusyon sa nangyari na pabor sa mga Tsino.

Teka, nakipag-ugnayan na ba ang mga opisyal natin sa Vietnam para malaman ang bersyon ng kanilang kuwento? Kung hindi, bakit kaya? Abangan natin! Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”