Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Iba ka Doc!

0 64

Hindi biro ang trabaho ng medical frontliners gaya ng mga doktor, nurses at iba pang healthcare workers. Mas matindi ang exposure nila sa mga pasyenteng infected ng Covid-19. Kaya sila ang madalas na mahawa ng virus. Hindi na rin mabilang ang nasawi sa hanay nila dahil sa pag-aalay ng kanilang buhay sa kapwa.

Kahanga-hanga ang ibibida kong doktor – Si Dr. Lani Patacsil, isolation doctor sa isang bayan sa Cavite. Internal Medicine ang specialization ni Doc Lani. Naka-assign siya sa mga isolation facility para tiyakin at i-monitor ang health condition ng mga Covid-19 patient. Dahil kailangang regular na ikutan ang mga pasyente, abala araw-araw si Doc Lani. Isama pa ang pagiging pamilyado niya kaya talagang siksik ang kanyang daily schedule.  

Ang nakamamangha, naisisingit pa ni Doc Lani sa kanyang jampacked daily routine ang pagpipinta. Kuwento niya, 9 years old pa siya nang magsimula siyang magpinta. Dahil estudyante pa lang noon, watercolor lang daw ang gamit niya sa painting. Habang nagkaka-edad, mas nahumaling siya sa painting.

Ngayon, talaga namang mapapa-wow ka sa mga oil canvas painting ni Doc Lani. Karamihan sa kanyang mga ipinipinta, may kinalaman sa pandemya. Paraan niya raw ito para maipakita sa mga susunod na henerasyon ang pandemyang nararanasan natin ngayon. 

Para kay Doc Lani, sa painting niya rin nare-release ang stress at pressure na dala ng pandemya. Nakakagaan daw ng pakiramdam sa tuwing siya’y magpipinta. Kaya naman talagang isinisingit niya ito sa kanyang busy schedule.

Aniya, ‘Gusto ko sanang makita ‘to ng next generation. Somehow ma-recollect ‘yung mga alaala nilang pinagdaanan natin na pandemya. Kung paano natin hinarap ang ating fear. Kung paano tayo nag-cope up at nag-move forward.’

Walo sa kanyang paintings, iniaalay niya raw sa mga katulad niyang frontliner. Hindi lang healthcare workers ang tinutukoy niya. Kasama rin ang mga teacher, pulis, sundalo, food delivery rider at iba pang nasa frontline ng pandemyang ito.

Sabi ni Doc Lani, ‘Yung aking walong paintings, gusto ko sanang i-dedicate sa lahat ng frontliners na gaya ko na kinailangang magsagawa ng isang napakalaking desisyon sa kanilang buhay. Na hanggang ngayon ay nahihirapan alam ko ‘yan. At kinakailangan nating magkapitkamay kasi, hindi pa tapos ang laban.’

Makikita n’yo online ang mga obra ni Doc Lani sa kanyang Facebook page na Doctor Oil. Available din si Doc Lani sa tele consultation. Wala akong masabi, talagang kamangha-mangha ang iyong husay at galing, Doc. Iba ka! (with inputs from Jhezzarie Doneza)

SM food to go Banner Ad

Leave A Reply

Your email address will not be published.