Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Iba na ang matangkad

0 104

Kumakatok sa pintuan ng National Basketball Association (NBI) ang Pinoy na si Kai Sotto matapos na magbakasaling makuha ng alinman sa 30 koponan sa liga. Nagpakitang gilas na siya sa Sacramento Kings bago ang 2022 NBA draft sa Hunyo 23.

Pambihira sa isang Filipino ang tangkad ni Sotto na 7’3. Sa Amerika, sangkatutak ang matatangkad sa kanila, sana all! Sabi ni Nobel-prize winning economist Angus Deaton na may kinalaman din ang kaunlaran sa tangkad ng tao. Bagama’t batay sa genetics ang bulas, nababago ito ng masaganang pagkain, malinis na paligid, at pag-alaga sa katawan.

Kaya naman, napapanahon ang panawagan ni Senador Win Gatchalian ang susunod na administrasyon na tutukan ang problema ng mga kabataang Pilipino pagdating sa stunting o ang hindi paglaki ng isang bata ayon sa kanyang edad, lalo na’t may matagal na pinsalang idinudulot ito sa kanilang paglaki.

Nagsumite na kamakailan ang Duterte administration ng aplikasyon para sa isang World Bank loan na nagkakahalaga ng 178.1 milyong dolyar. Ang naturang loan ay gagamitin upang tugunan ang stunting sa mga kabataang Pilipino. Ang panukalang proyekto ay pangungunahan ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Binigyang diin ni Gatchalian ang pangmatagalang pinsalang dulot ng stunting sa kakayahan ng mga kabataang matuto, bagay na nakakaapekto sa kanilang performance sa paaralan. Binalikan ni Gatchalian ang sinabi ng World Bank (WB) noon na ang learning poverty sa bansa ay kasalukuyang nasa 90.5 porsyento. Katumbas nito ang siyam sa sampung batang may edad na sampu na hindi marunong bumasa o umintindi ng simpleng kwento.

SM food to go Banner Ad

Ayon sa ulat ng WB na pinamagatang “Undernutrition in the Philippines: Scale, Scope, and Opportunities for Nutrition Policy and Programming,” may 30 porsyento sa mga batang Pilipino na mas bata sa limang taong gulang ay maituturing na stunted o maliit para sa kanilang edad.

Para kay Gatchalian, dapat tiyakin ng susunod na administrasyon ang epektibong pagpapatupad ng Republic Act No. 11148 o ang Kalusugan at Nutrisyon ng Mag-Nanay Act na kilala rin bilang First 1,000 Days Law. Layon ng batas na tutukan ang pangangailangang pang-nutrisyon ng mga sanggol sa unang isang libong (1,000) araw ng kanilang buhay. Si Gatchalian ay co-author ng naturang batas.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang stunting ay epekto ng kakulangan sa nutrisyon at paulit-ulit na pagkakasakit o impeksyon sa unang isang libong araw ng buhay ng bata.

Noong 2018, inirekomenda ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ang mga hakbang tulad ng dagdag investment sa pagkalap ng datos, pagtukoy sa mga benepisyaryo ng programa, pinaigting na sistema ng monitoring at evaluation, at agarang technical assistance mula sa national government at development partners.

Marami sa mga Pinoy ang matatalino. Pero sana masolusyunan din ang problema sa stunting ng mga bata. Pag lumaking matangkad kasi ang mga bata, siguradong maganda rin ang kanilang kinabukasan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.