Abante Tonite Interactive

Iba talaga si Kobe

498

Nalungkot ang buong mundo sa balita na pumanaw na si Kobe Bryant sa pamamagitan ng pagbagsak ng helicopter na sinasakyan niya, anak na babae at pitong iba pa nitong Linggo sa Calabasas, Los Angeles, California.

Patungo siya sa kanyang Mamba Sports Acade­my sa may Thousand Oaks, California. May laro kasi ang anak niyang si Gianna Marie, 13, sa naturang lugar, at si Kobe, 41, ang magko-coach. Pagmamay-ari ni Kobe at ang CEO ng MSA ay si Chad Faulkner.

Napaaga ang gising ko nitong linggo, mga alas-2:30 nang umaga, at wala pang balita tungkol sa aksidente. Biglang, may nag-post sa Facebook ng RIP Kobe, at ako’y nagtanong-tanong sa mga kaibigan ko sa America kung totoo nga ba ito.

Ayun, kumpirmado nila na namatay na nga ang National Basketball Association legend. Pagkatapos ng mga 30 minuto pa, napuno na ang social media ng Kobe news at stories.

Biglang nalungkot ang buong mundo. Sikat na sikat si Kobe dahil sa kanyang karisma at galing at sipag pagba-basketball. Kung sa kasikatan, nabalitaan ko nga sa China na mas sikat pa si KB kaysa kay Yao Ming.

Kaya kapag napupunta si Kobe sa China, sinusundan siya ng libo-libong fans. Dito rin sa Pilipinas, napakadami niyang fans, naging regular na bisita na siya natin patunay ng pitong pagparito.

Si Kobe ay isa sa pinakamagaling na basketball player sa buong mundo. Marami siyang mga award at parangal mula noong high school pa lang hanggang nakatungtong siya ng NBA. Nag-NBA MVP siya sa regular season, two-time NBA Finals MVP, NBA All Star MVP, five-time NBA champion, at two-time Olympic gold medalist.

Hindi madali ang dinaanan niya para maging isang basketball superstar. Ang mga istorya ng mga kapwa niya NBA players ay galing sa matalik niyang kaibigang si former NBA player ding si Tracy McGrady, lagi raw sila nanonood ng mga video ng laro ni Jordan, at ‘pag may nagustuhang galaw si MJ, pinapaulit daw ni Kobe, puro rewind daw.

Totoo din ang balita na kapag may ensayo ang koponan ng alas-otso o alas-10:00 nang umaga, dumarating na si Kobe ng alas-5:00-6:00 pa lang ng umaga. ‘Yun din ang kuwento ng NBA player na si OJ Mayo.

Isang araw, gusto aniya mag-ensayo kasama si Kobe, sabi ni Kobe, sige, magkita tayo ng alas-3:00 nang umaga. Binalita din ng isang team coach ng Team USA na anim na oras na daw nag-practice si Kobe, ayaw pang umuwi hanggang ‘di niya natatapos ang 800 shoot.

Mahilig din mag-ensayo nang madilim, mag-shoot na walang ilaw. Naalala ko tuloy ang isang interview kay Kobe ng isang sikat na magazine. Tinanong siya kung papano siya mag-ensayo. Ang sagot niya: “6 hours of hell, 6 days a week.”

Naintindihan ko na kung bakit isa siya sa naging magaling na player.