Abante Tonite Interactive

Ibabalik natin ang dignidad ng mga health center

370

Bilang produkto ng kahirapan na ipinanganak at lumaki sa isa sa pinakamahirap na bahagi ng Maynila, lubos kong nauunawaan kung gaano kahalaga ang libreng health care, lalo na para sa isang may sakit na walang perang pampagamot o pambili man lamang ng isang tableta.

Gabay ko ang malungkot na reyalidad na ito na patuloy pa ring lumilikha ng pagdurusa para sa mahihirap na residente ng Maynila, ako at si Vice Mayor Honey Lacuna, na siyang may hawak sa pagpapatakbo ng anim na pampublikong ospital ng lungsod, ay nakipagpulong sa health personnel na bumubuo ng Manila Health Department sa ilalim ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, upang talakayin kung paano higit na mapapalakas ang health care system sa Maynila. Naroon ang mga direktor ng anim na city hospital at mga hepe ng health center, lying-in clinic at ma­ging mga doktor at nurse natin.

Kasama sa mga planong inilahad ni Dr. Pangan sa ginanap na kauna-unahang health cluster meeting namin ay ang pagtatatag ng tatawaging ‘super health centers’ sa bawat distrito ng Maynila. Layunin nito na maengganyo ang mahihirap na taga-Maynila na samantalahin ang mga libreng health care service na ibinibigay sa mga nasabing center. Bawat isa sa mga ito ay nakatakdang magkaroon ng consultation, laboratory at animal bite clinic.

Sa anim na distrito ay magkakaroon ng dalawa o tatlong ‘super health centers’ kada distrito at bawat isa rito ay magkakaroon ng diabetes clinic, halfway home para sa cancer patient, cough center (COPD, asthma), autism at cerebral palsy clinic, women’s wellness center, adolescent counseling clinic, treatment hub para sa HIV/AIDS patient at mental health clinic.

Kasama rin sa plano ang pagkakaroon ng one-stop shop sa ilang health center na ito para sa ilang city transaction upang mabawasan ang dami ng inaasikaso sa Manila City Hall. Kaugnay nito ay aking hinihiling sa mga nagpapatakbo ng city hospital at health center na magkaroon ng tukoy at updated na datos ukol sa mga uri ng sakit, dami ng pasyente kada isang uri ng sakit at iba pang detalye kaugnay ng mga pasyente na kanilang inaasikaso kada araw.

Kung meron na sila ng mga ‘specifics’ na ‘yan ay mabuti naman. Kung wala, ibig sabihin ay wala sila doon o kaya ay walang buong kontrol sa kanilang nasasakupan.

Kailangan kasi ng lungsod na magabayan sa partikular na uri ng mga supply na dapat bilhin kaugnay sa mga sakit at pangangalaga sa kalusugan ng mga taga-lungsod.

Para kasi sa akin at kay Vice Mayor Lacuna, lubhang mahalaga na masulit ang pera ng taumbayan. Ayokong may masayang na pera dahil mali ang uri ng gamot na binili. Dapat ay tugma ang binibili ng lungsod sa mga pangangailangan ng mga taga-Maynila.

Nais kong dumating ang araw kung saan ang mga pangunahing pa­ngangailangan ng mga pasyente ay naaayos na sa lebel pa lamang ng health center. Lumaki kasi akong mahirap at alam ko kung gaano kahalaga ang papel ng health center sa buhay ng mga pasyenteng walang pera. Sa tulong ng ating magagaling na health personnel, nais kong maibalik ang dignidad ng health center at mabawasan ang dami ng asikasuhin sa mga ospital na dapat sana ay para sa mga mas seryosong kaso na.

Gayundin, nais kong bigyan ng dignidad ang ating mga health wor­ker sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pansamantala pero lib­reng tirahan sa ilalim ng isang vertical ­housing program na ilalagay din sa parehong gusali kung saan itatayo ang ‘super health centers’. Two-bedroom design ang ating plano.

Layunin ng inyong lingkod na iangat ang antas ng ating mga kawani at ito ang ating napili bilang panimulang hakbang. Sa ganitong paraan, ang ating mga health worker, mula administrative worker hanggang doktor, ay magkakaroon ng lugar na maaari nilang tawagin na kanila, habang sila ay naglilingkod sa lungsod.

Kapag angat ang antas ng kanilang pamumuhay ay inaasahang makapagtatrabaho sila nang mas magaling.

Magagamit ng health worker ang pansamantalang tirahan habang siya ay nagtatrabaho sa lungsod pero sa oras na siya ay magretiro na, kailangan na niyang lisanin ang tirahan upang ipasa naman sa iba na nasa serbisyo pa.

Ang tangi kong hiling ay ang pagbibigay ng mga health personnel ng isang serbisyong nagmamalasakit at may ngiti, lalo pa’t ang hinaharap nila sa araw-araw ay mahihirap na mamamayan ng Maynila, dahil ang mga may pera ay hindi naman magtutungo ng pampublikong ospital para magpagamot.

***
Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!
***
Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.