Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ibigay sa eksperto ang DOE

0 133

Ibayong pagkilatis ang kailangang gawin ni President-elect Bongbong Marcos sa mga itatalaga sa iba’t ibang departamento ng gobyerno.

Sabagay sa nakalipas na tatlo’t kalahating dekada ay nagmistulang gantimpala sa mga sumuporta sa kandidatura ng mga nagdaang Pangulo ang mga sensitibong pwesto sa pamahalaan – kabilang ang Department of Energy, isang kagawarang higit na angkop na italaga ay eksperto sa halip na kasanggang politiko.

Usap-usapang sa hanay ng mga kilalang negosyante ang hangad na pamunuan ng anak ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang DOE. Ang totoo, lubhang kritikal ang naturang departamento dahil sa enerhiya nakasalalay ang ekonomiya ng bansa.

Paano ang operasyon ng mga pabrika kung walang kuryente? Ang mga mag-aaral, paano mag-aaral kung nababalot ng karimlan at alinsangan ang silid-aralan? Paano pupunta ang mga manggagawa patungo sa kanilang trabaho kung tuluyan nang tatalikuran ng mga tsuper at operator ang pamamasada dahil sa sukdulang taas ng presyo ng krudo at gasolina?

Ilan lang yan sa mga malulumpo sakaling maluklok sa DOE ang isang Kalihim na ignorante sa masalimuot na sektor ng enerhiya.

Ang napakasakit pa, tulad ni outgoing Energy Secretary Al Cusi, wala rin nagawa si Cong. Mikey Arroyo, panganay na anak ni GMA na siyang Chairman ng House Committee on Energy para ibsan ang pagtaas ng presyo ng gasolina, krudo, kerosene, LPG at kuryente.

Ang pagbaba sa presyo ng kuryente, gasolina, krudo, kerosene at LPG ay bahagi ng poverty alleviation program ni outgoing President Rodrigo Duterte habang ito naman ang campaign promise ni BBM noong umiikot sa halos lahat ng sulok ng Pilipinas.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Pero nakakalungkot dahil walang nagawa si Cusi sa mga problema natin sa enerhiya. Malinaw na wala silang pinagkaiba si Mikey.

Minsan kong naulinigan ang opinyon ng mahusay na lider-negosyanteng si Sergio Ortiz-Luis Jr. na tumatayong presidente ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP), bukod pa sa itinuturing na haligi ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at Philippine Exporters Confederation (PhilExport).

Aniya, higit na angkop na maupo sa naturang ahensiya ang isang taong nakapagpamalas ng husay, sapat na kaalaman at tapang na manindigan sa ikabubuti ng bansa. Hindi man niya direktang binanggit, mas lumalabas sa kanyang posisyon na pabor siyang sa loob ng DOE humugot si incoming President BBM ng susunod na Kalihim ng departamento.

Sa isang banda, tama rin naman. Hindi na kailangan pang mag-aral ng itatalagang DOE Secretary. Walang masasayang na oras lalo pa’t higit na kailangan ang agarang tugon ng gobyerno sa gitna ng nag-aalimpuyong sentimyento ng iba’t ibang sektor bunsod ng dagok na dala ng napakamahal ng kuryente at produktong petrolyo.

Hindi kailangang sumugal ng susunod na Pangulo sa bulong ng isang kaalyadong nangungulit ipwesto sa DOE ang anak.

Hindi rin pwedeng tawaran ang posisyon ni G. Luiz , lalo pa’t itinuturing siyang haligi sa larangan ng komersiyo.

Hindi hamak na mas alam nito ang kahihinatnan ng bansa kung isang trapo o pulpol na politiko na naman ang hahawak ng naturang departamento.

Leave A Reply

Your email address will not be published.